Aling Iska, tumatanggap ka ba ng Christmas gift, Christmas bonus, Christmas is there? Ba hindi!!! Dumadalo ka ba ng Christmas Party? Siyempre naman hindi. Eh ano ang tinatanggap mo? Year-end Gift, Year-End Bonus at Year-end is there. Siyempre dumadalo rin ako sa Year-End Party. Pero nagkataon lang na lahat ng iyan ay ginagawa sa huling buwan ng taon – Disyembre.

Seriously speaking Aling Iska, anong pinagkakaabalahan mo? Siyempre, nagsusulat para may binabasa ka ngayon. Pero, sa totoo lang, abala kami sa buwan ng Disyembre, marami kaming ginagawa hindi para sa sarili kundi para sa Dakilang Lumikha.
Unang-una, sa buwan ng Disyembre ay ginugunita namin at lubos na ipinagpapasalamat sa Diyos na isang taon niya tayong iniligtas at iningatan sa mga sakuna at maging sa karamdaman.

Actually, totoo naman Aling Iska, na hindi lang natin dapat isipin kung anong saya at anong regalo ang ating matatanggap sa buwan ng Disyembre.

Ito iyong panahon na dapat ay pag-ukulan natin ng pansin ang ating paglilingkod sa Panginoon at suriin natin ang ating naging pamumuhay. Nabuhay ba tayo ayon sa katuwiran? Kung may nagawa man tayong pagkakamali at nahulog tayo sa tukso. Ito iyong panahon na dapat ay magbalikwas tayo at magbagong buhay.

Dapat din nating ituring na isang biyaya ang taong ito na lilipas at tayo’y maging mapagpasalamat sa lahat ng pagpapala na ipinagkaloob sa atin, maliit man malaki.
Salamat sa araw-araw na buhay tayo at malakas kasama ng ating sambahayan. Salamat dahil kasama natin ang ating mga kapwa tao, kaibigan o kakilala na laging nariyan para magkatulong-tulong tayo sa araw-araw.

Higit sa lahat, maraming pong salamat sa patuloy na awa, pag-iingat at pagkukupkop ng Panginoong Diyos sa atin sa bawat sandali ng ating buhay. Aling Iska, marami ka bang naging karanasan sa taong ito na hindi mo malilimutan? Hindi ko mabibilang ang mga karanasan na lalong nagpapalapit sa akin sa Diyos na Lumikha. Isa sa mga ito ay nang ako ay makaranas ng pansamantalang pagkabulag, sa sandaling iyon kasama ng aking maybahay ay makdahup palad kaming lumuhod at nanalangin sa Ama taglay ang matibay na pag-asa na hindi kami mabibigo sa aming pagtawag.

Isang maningas at walang pag-aalinlangang panalangin ang aming isinagawa. Sa huli ay nasabi namin na sa pagdilat ng aming mga mata ay muli akong makakita.

Salamat sa Amang Lumikha dahil sa aking pagdilat ay parang ulap na nahahawi ang aking nakikita at sumilay na muli ang liwanag sa aking mga mata. Ito ay isang karanasang hindi ko malilimutan magpakailanman at aariin kong isang kayamanan habang ako ay nabubuhay. Marami pa na mga patotoo ang Ama na ginawa niya at kasalukuyan pang nangyayari kaya sa wala akong ibang pinakananasa sa aking buhay kundi ang huwag akong magkulang sa aking tungkulin na mabigyan ko ng kaluwalhatian at kapurihan ang Diyos na Lumikha.

Pasensiya na kung ako ay naging emosyonal sa pitak na ito dahil hindi ko malilimutan at lubos na ipinagpapasalamat ang lahat ng kagandahang loob ng Diyos sa aming buhay.
Tama lamang na ating harapin ang bagong taon na may lubos na pagkakatiwala at pag-asa sa magagawa ng Ama sa ating buhay sa mga taon pang darating kung mamalagi pa ang hiram nating buhay.