ALING Iska, ipaliwanag mo naman sa mailking kuwento kung ano po ba ang antikristo. Takot ako. Mag-ingat ka. Baka ikaw ay malinlang sapagkat ang antikristo ay narito na. Baka kasamahan mo siya, kaya mag-ingat. Ikaw naman Aling Iska, huwag ka ng manakot, magkuwento ka na lang. O sige. Ang antikristo ay anak ng kapahamakan at may taglay na karisma, galing at hinahon sa pagsasalita para linlangin ka at ang bayan.
Ang antikristo ay pinuno ng sinasabi nilang bagong pulitika. Ang antikristo na siya ring satanas ay nagtatayo ng kanyang kaharian sa mundo ng pulitika at ng pananampalataya. Ang antikristo ay naglalagay sa kanyang sarili sa kapangyarihan upang maghari at ipalagay na siya ay hinirang ng Kaitasan. Siya’y magsusuot ng maputing kasuotan upang linlangin ang mga nilalang na siya’y alagad ng kabutihan ngunit sa katotohanan ay sugo ng kasamaan.
Aalisin niya ang tali ng kanyang pananampalataya at palalayain niya ang kanyang sarili sa kamay ng banal na espirito. Bunga ng kanyang masidhing hangarin na maging tanyag at palalo, ang antikristo sa maikling panahon ay maghahari sa mga bayan, maging sa lalawigan hanggang sa siya ay ibagsak at patalsikin ng Kaitaasan sa pamamagitan ng sigaw ng higit na nakararaming nilalang. Ang antikristo ay magkakamal ng kapangyarihan na may buong paghanga ng mga mamamayan dahil sa pag-asang siya ang tagapagligtas ng bayan mula sa problemang pangkabuhayan at pulitikal bunga ng mapaglinlang niyang puting kasuotan.
Gagawin siyang huwaran at kaganapan ng pag-asa na hinahangad ng iba subalit sila’y sinisilo lamang ng mapaglinlang na mukha ng kasimplehan at kawalang muwang sa mga kasalanang itinatago niya sa matagal na panahon sa likod ng kaniyang maputing kasuotan. Batay sa mga pahayag, ang antikristo ay magiging guro ng mga intrigang pulitikal subalit siya’y lalabanan ng mga tumatayo pa rin sa totoo at katuwiran sa maikling panahon ng kanyang panunungkulan.
Gagawin niyang kapitolyo ng kanyang paghahari ang sentro ng kanyang nasasakupan at ipapalagay niya ang kanyang sarili bilang nag-iisang tama at gumagawa ng katuwiran subalit kabaligtaran ng tunay na kalagayan ng bayan.
Pansamantala, iisipin ng mga mamamayan, na ang antikristo ay isang inspirasyon ng mabuting pangangasiwa na kayang lunasan ang mga suliranin ng kanyang nasasakupan. Subalit sa maikling panahon ng kanyang panunungkulan, sisirain niya ang kanyang mga pangako at kasunduan noon siya ay pumapasok pa lamang sa mundo ng paglilingkod bayan.
Ang mapaglinlang na paghahari ng antikristo ay nakasentro sa kanyang mga pangako ukol sa pagbabalik ng kapayapaan, mabuting pangangasiwa at katiwasayan sa kabuhayan. Ang kanyang kapayapaan ay magbubunga ng lalo pang pagkawatak-watak at pagkakampi-kampi. Ang kaguluhang pulitikal ay ituturing niyang isang karaniwang sangkap ng demokrasya at wala siyang pakialam kung may masaktan o malinlang ng mga harapang pagkukunwari at kasinungalingan.
Isinisigaw niya ang mabuting pangangasiwa subalit isinisinsay ng kanyang mga gawa.
Ipapalagay niya ang kanyang sarili na isang himala, walang bahid ng kasalanan at lahat ng kanyang iniisip at ginagawa ay tama at dapat paniwalaan.
Ipapalagay din niya na ang kanyang kapangyarihan ay isang milagro subalit sa katotohanan ay himalang gawa ng demonio upang guluhin ang bayan sa pamamagitan ng mapaglinlang na pangako ng mabuting pangangasiwa at kapayapaan.
Sisikapin niyang maglagay ng limitasyon sa kalayaan at karapatang pantao sa pamamagitan ng kanyang mga batas at palatuntunan. “Hear us and obey us. We’ll tell you what to think, what information to have. If we withhold information it is for your own good. This is nothing less than the government playing God.”
Ang antikristo ay naglalarawan na isang babaeng patutut at mapakiapid. Isa siyang lider pulitikal na sumakay sa katanyagan ng kanyang simbahan upang isakatuparan ang kanyang pangarap ng magkamal ng kapangyarihan.
Ang ginawa niyang sakripisyo ay makalaman at hindi pang-espiritwal. Ang mga taong sumusunod sa antikristo ay hindi nabubuhay sa espirito kundi sa pagkukunwari at pinaniniwala na sila’y naglilingkod sa Lumalang ngunit sa katotohanan sila ay nanglinlang.
Ang haba ng kuwento mo Aling Iska. Nakakatakot at nakakabagot. Sino po ba ang nagsasabing may antikristo sa Pampanga? Edi, ikaw!
No comments:
Post a Comment