Sunday, January 4, 2009

Ilog ng Pampanga, binababoy

Pero ang masakit Aling Iska, ang ilog ng Pampanga ngayon ay parang isang dalagang binaboy, niluray-luray at pinagsamantalahan hindi lang ng iilan kundi ng daan-daang Kapampangan at pinagkikibit-balikat lamang ng mga opisyal ng mga bayan at maging ng lalawigan.

Wala man lamang nagtangkang siya ay tulungan at bigyan ng katarungan at iligtas sa kuko ng mga taong matitigas ang ulo at walang disiplina sa katawan. May mga opisyales ng pamahalaan na nangakong siya ay iligtas at ibalik ang dating kagandahan, subalit yaon ay nananatiling sa bibig lamang. Wala silang konkretong plano man lang para pangalagaan at ibalik ang dating sigla ng ilog at ng kanyang pampang na ngayon ay nasa masamang kalagayan.

Ang dating ngiti at saya ng Ilog Pampanga ay napalitan ng ngitngit at galit bunga ng hapdi ng pagdurusang gawa hindi ng inang kalikasan kundi ng kawalang galang ng mga tao sa kagandahan at kaayusan ng ilog Kapampangan.

Kaya taon-taon, mapapansin nating ang buhay at pamumuhay ng mga Kapampangan lalong lalo na ng mga taong naninirahan sa tabi ng ilog ay nasa peligro sa dahilang dumadalas ang pagguho ng pampang at nalalagay sa panganib ang buhay at kaligtasan ng higit na nakararaming mamamayan.

Kung minsan naman ang pagguho ng lupa sa tabi ng ilog ay ginagawang gatasan ng mga buwaya sa pamahalaan. Ito na iyong pagkakataong nagkakamal sila ng salapi sa pagpapagawa ng mga istraktura na kahit sa panlasa ni Aling Iska ay hindi papasa. Ibig mong sabihin brod, substandard, palpak, tarantado at illegal ang pagkakayari? Tama po Aling Iska. Pero ang tanong, mayroon bang nananagot? Iyan ang masama Aling Iska, sa halip na kalunusan, ang kalikasan ang sinisisi ng mga taong sangkot sa kapalpakan.

Kaya’t kung ating susuriing mabuti, halos isang bilyong piso na ang nilustay ng mga tao sa pamahalaan sa pagpapagawa ng mga palpak na istrakturang slope protection, revetment at kung ano-ano pa mula sa bayan ng Arayat, Candaba, San Luis, San Simon, Apalit, Minalin, Sto. Tomas, Masantol at Macabebe.

Kailan magigising ang Kapampangan? Kailan magbabago at mawawala ang mga buwaya sa pamahalaan? Kailan lalakad ang mga pagong sa Kapitolyo? Kailan tayo kikilos? Kailan natin pagtutuunan ng tamang pansin ang Ilog Kapampangan? Hihintayin pa ba nating lalong magngitngit sa galit ang inang Kalikasan at tayo’y kanyang luray-lurayin at ilagay sa bingit ng kamatayan maging ang ating sambahayan?

Itayo natin ang nag-iisang alaala ng kahapong pinagmulan ng Kapampangan. Sa halip na babuyin at gawing basurahan, atin po itong pagyamanin at pagandahin sa ngalan ng pagmamahal sa inang kalikasan at paggalang sa makasaysayang yugto ng ating nakaraan – ang ilog ng mga taga pampang. Tulungan po nating isalba ang puri ng ilog Kapampangan. Iligtas natin ang Ilog Pampanga. Hindi bukas, hindi mamaya, kundi ang panahon ay ngayon na.

Tiran me ken. Give me five men.

No comments:

Post a Comment