Monday, January 5, 2009

2009 na! Ang saya-saya!

IT’S New Year! 2009 na! Bang!!! Bang!!! Pero huwag kang mahibang, baka bukas, pagkagising mo, who knows 2010 na. Malapit na ang karnabal, komedya at ekonomiya sa pulitika. Pero bago ka pumalaot, “Happy New Year” and “Happy 35th Birthday.” What’s your birthday wish, Aling Iska? Well, of course, malinaw na mata, magandang kalusugan and more blessings from Heaven above. For my kids, I want them to give more time and concentration on their studies. For my darling – yes of ourse, I need more schedules. Moments of love and intimacy! Ano ba naman iyan Aling Iska? Katindig balahibo, kay sarap isipin, kay bangong amuyin. She knows what I mean.

Hoy, Aling Iska, bago ka magpaka-daring. Anong masasabi mo sa pagsisimula nang taong 2009? Well, hopefully dapat masaya at mabiyaya. Sabi nga nila, “lucky 09.” Pero ang pagiging mapalad ay kumporme sa tao. Kung masipag at matiyaga ka, maaaring masuwerte ka. Pero kung tamad ka, tiyak magugutom ka. Kaya huwag nating sayangin ang mga araw na agdaraan. Gugulin natin sa kasipagan sa lahat ng bagay maging sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa tao. Kapagka gayon ang ginawa mo, tiyak may “lucky 09” ka.

Ang 2009 rin ay simula ng pamumulitika sa ating bansa bilang paghahanda sa 2010. Kaya maging matalino at mapagbantay sa mga nangyayari sa kapaligiran. Sabi nga, “huwag aanga-nga.”
Pero kung kilos trapo ka sa pulitika na pakunwari lang ang pagtulong mo sa kapwa at malasakit sa bayan, huwag ka ng tumakbo. Maglakad ka na lang dahil sana ang maging hantungan mo ay sa kangkungan. Mamalasin ang bayan, madaragdagan ang mga hipokritong pulitiko na ang pinaglilingkuran lamang ay ang kanilang pansariling kapurihan at karangalan.
Tiyak ngayong taon, masasaya na naman ang mga mamamayan. Bakit kamo? Kasi, kikilos na naman ang ating ekonomiya sa pulitika, iikot ang pera na tinipon ng iba at kinurakut ng karamihan para manatili at magkapuwesto sa gobyerno.

Sa pulitika sa kasalukuyan, napapansin mo Aling Iska, kapagka ang pera ay galing sa malinis na paraan, napakabigat gastusin sa halalan. Pero kapagka ang pera galing sa hindi mo alam kung saan, napakadaling ipamudmod at ilaban sa gastusan. Pero kahit saan nanggaling, tiyak iikot yan sa mga botante ng bayan. Huwag maging dahilan sana iyan para ipagbili mo ang iyong boto at karapatan sa halalan.

Pero ganyan talaga ang nakakalunos na imahe ng ating bayan tuwing sasapit ang halalan. Ganon pa man, anila, diyan lang nakababawi si Juan Dela Cruz. Pagkatapos, anila, naiupo na sa puwesto ang pulitikong hunghang, magprotesta ka na lang sa lansangan dahil sa pagkakamali sa pagpili ng pinunong manunungkulan.
Nangyayari ito dahil nga nasilaw ang karamihan sa kislap ng kakaunting salaping ipinamumudmod tuwing halalan.
Ang totoo, marami ng nagtangkang ituwid ang bulok na sistema ng halalan pero ang problema, pati sila ay kinakain na rin ng masamang imahe at kultura ng pulitika.
Kaya ang resulta, iilan lang ang nanalong pinuno na may tunay na malasakit at pakialam sa kapakanan ng bayan at ng taong bayan. Karamihan ay matatayog ang lipad, mayayabang, palalo at akala mo kung sinong hari at reyna na nakaupo sa pedestal ng kapangyarihan.
Ang bottom line niyan, Aling Iska, ngayon pa lamang ay maging matalino tayo sa pagkilatis sa mga pulitikong aali-aligid na mag-uumpisa na sa pangangampanya. Alamin ang kanilang background, uri ng hanapbuhay at pagdadala ng pamilya. Huwag palilinlang sa matamis na salita at pakyut na tingin ng mga pulitikong kambing.

Pero siyempre, tiyak na kikita riyan ang mga himpilang radio, telebisyon, pahayagan at imprenta dahil sa maglalabasan ang sari-saring propaganda. Kaya tiyak na magiging masaya rin ang 2009 sa mga kabaro natin sa hanapbuhay. Ang saya-saya diba?

No comments:

Post a Comment