Tuesday, January 6, 2009

Aling Iska, online na!

FLASH REPORT!!! Alam ba news na si Aling Iska ay hindi lang nababasa ngayon sa iba’t-ibang lugar at tanggapan dito sa lalawigang Kapampangan? Oo nga po, noon ngang minsan, hinahanap ng lolo ko si Aling Iska, pupunta kasi ng palikuran, doon paborito pa lang binabasa ang kanyang malambing at maanghang na punto de vista.
Tama po ba Aling Iska? Pusang gala ka brod, una, huwag mong sinisilip ang lolo mo. Pangalawa, sabihin mo sa kanya, si Aling Iska ay hindi lang pang-opisina at lalo namang hindi pangkubeta. Dahil ang Aling Iska mo ay on-line na. Mababasa ang kanyang mga simpleng pananaw kahit saan man may internet sa mundo.
Sa internet hanapin lang ang http://alingiska.blogspot.com at inyo ng mababasa ang lahat ng makuwela at sarkastikong puna ni Aling Iska. Ito naman ay sa kagandahang loob at sa kahilingan na rin ng mga masugid nating mambabasa.
Sa blogspot ni Aling Iska, lahat ng mga artikulo, komento at reklamo na iniimbag sa Central Luzon Daily ay inyo ng mababasa hindi lang sa www.centralluzondaily.com.
Sa susunod na mga araw ay lalo pa nating pagagandahin ang blog spot para sa konbeniensiya at mabilis na paghahanap ng ating mga mambabasa sa mga pitak ni Aling Iska.
Well, well Joel, ano ngayon ang ating aasahan sa mga panulat ni Aling Iska? Of course, kanyang susubaybayan ang takbo ng pulitika sa Pampanga, pupuna sa mga anomalya at kontrobersiya hindi lang sa mga lokal na pamahalaan kundi maging sa pamahalaang nasyonal upang maibigay sa ating mga mambabasa ang mga napapanahon at sariwang balita at komentaryo para sa kanilang reaksyon at kabatiran. Basta’t laging tatandaan, kay Aling Iska, masa ang dapat una sa balita.
Aling Iska, bigyan mo nga sila ng sample. Diyusmiyo, Ginoong Panlilio, ang ipinagmamalaki mong bagong sementadong daan sa Barangay Pansinao, Candaba sa kasamaang palad ay bumibigay at nasisira na. Sabi mo Gob walang kurakot? Pero ang proyekto mo pala ay nakakatakot. Mukhang substandard, mukhang minadali at hindi pinag-isipan. Sayang ang pondo ng kapitolyo. Sa susunod, ayusin ninyo ang trabaho, ha. Kawawa ang taong bayan kung ganyan ang mga proyekto sa lalawigan. I am sorry. Pero para kayong nakakaloko.
Sample lang yan ha. Kaya sa mga buwaya at kurakot, magtigil-tigil na kayo, dahil si Aling Iska ay hindi kailanman matatakot sa pagkukuwento ng mga kabalastugang nangyayari sa gobyerno.
Kaya sa ating mga mambabasa, hanapin ang http://alingiska.blogspot.com o mag-email sa alingiska@yahoo.com para sa inyong sumbong at reklamo kahit kanino, sa pribado man a maging sa gobyerno.

No comments:

Post a Comment