Sunday, March 21, 2010

Solusyon sa basura, ginagawa na ba?

LAHAT ng basurahan, controlled o open dump site ay illegal at hindi dapat pahintulutan ng sinomang opisyal ng lokal na pamahalaan. Subalit dahil sa ito ay hindi pinansin o napaghandaan, nalagay ang mga munisipalidad o maging mga siyudad sa situasyong wala na silang uurungan o susulungan malutas lang ang tone-toneladang bulto ng basura na nililikha at inilalabas ng mga kabahayan maging ng mga establisyemiento.

Ito ay isang bagay na walang katapusang suliranin, maaaring maisaayos ang problema sa ngayon, pero paano na ang bukas? Ang basura ay isang paulit-ulit na suliranin. Ikinakampanya ng pamahalaan lalo na ng Environment Management Bureau ang tinatawag na Reuse, Recycle at Reduce o 3Rs. Napaka-ideal ng panukalang ito. Maganda at mahusay kung tutuusin. Pero ilan na ba sa atin ang sumunod at dinisiplina ang sarili magkaroon lang tayo ng bahagi sa paglutas ng suliranin sa basura. Sinasabi sa mga manual ng Solid Waste Management na magagawa ang 3Rs kung sa tahanan pa lang ay pinaghiwa-hiwalay na natin ang nabubulok sa hindi nabubulok at ang maaaring gamitin pa at isaayos. Ito iyong tinatawag na segregation from the source.

Alam ninyo, sa obserbasyon ni Aling Iska, nagagawa lang ang bagay na ito sa pagsisimula lamang ng kampanya sa 3Rs pero pagkatapos ay wala na at balik sa dati, aminin man o sa hindi ng pamahalaang nagsusulong nito.

Pero mayroon naman tayong mga nakausap na mga pamilya, na buong higpit nilang sinunod ang segregation. Pero ang masakit matapos nilang paghiwahiwalayin ang nabubulok sa hindi nabubulok ay kinuha ng mga kawani ng lokal na pamahalaan at isinakay sa truck ng basura kung saan doon ay pinagsama-samang muli ang bulok sa hindi bulok at itinapon lang sa open dump site o sabihin na nating controlled dump site na parehas din namang labag sa batas. Nangyayari ito dahil kung mayroon mang Material Recovery Facilities ang lokal na pamahalaan ay hindi nito kakayaning iproseso ang santambak na basurang dumarating sa araw-araw. Kaya ang masakit bago matabunan ng basura ang mga kawani ay kunwang hindi nila alam na sinusunog ang basura lalo na kung gabi at masaklap kahit araw nagsusunog ang mga hinayupak.



Pero sino ang dapat sisihin? Walang pamahalaan lokal ang hindi nagnanais na ito ay agarang maresolba dahil sa ayaw natin at sa hindi ito na ang isa sa mga pinakamalaking krisis o magiging sanhi ng trahedya sa mga hinaharap na panahon. Kaya’t kailangang magsama-sama tayong mag-isip ng paraan at makipagkaisa sa pamahalaan sa ikalulutas ng problema sa basura.

Bagaman ang Siyudad ng San Fernando ngayon ay nasa estado na ng pagpapatupad ng Memorandum of Agreement sa pagitan nila ng Blue Steel Spectrum sa pagtatayo ng $13-milyong ‘very high temperature gasification’ o ang pagko-convert ng basura para maging methane gas na makakatulong sa elektrisidad, hindi pa rin natin maiaalis na sa kasalukuyan ay patuloy pa rin silang lumalabag sa batas ng Ecological Solid Waste Management Act o Republic Act 9003 na nagbabawal sa operasyon ng open at controlled dump site lalo na at pati na ng pagsusunog ng basura.

Pero sa pananaw ni Aling Iska, mabuti na ang Siyudad ng San Fernando na may ginagawa ng pagkilos para maresolba ang problema kaysa sa ibang munisipalidad na wala yatang ginagang pamamaraan para masulusyonan ang basura sa hinaharap na panahon.

Well, suggestion lang ito. Kung hindi kakayanin ng mga munisipalidad particular ng mga 4th at 3rd class na bayan ang araw-araw na gastos sa trucking pa lang ay kailangang mag-isip ng paraan. Ang naisip natin bakit kaya hindi magtayo ng dalawang Sanitary landfill ang Pampanga. Isa sa Magalang at isa Floridablanca. Lahat ng bayan na malapit sa Magalang ay doon magdadala ng basura. Lahat naman ng malapit sa Floridablanca ay doon naman magdadala ng basura. Kung titingnan kasi ang dalawang bayang ito, ideal silang pagtayuan ng sanitary landfill, unang-una hindi lumulubog, pangalawa malawak din ang mga lupain dito, pangatlo, ang Floridablanca at Magalang ay nasa estratehikong lugar nng Pampanga kung saan mapaghahatian ang solusyon sa basura.

Alam nating kokontra ang ilang mga residente sa mga bayang ito. Pero kailangang gawin ito magkaroon lamang ng pangmatagalang solusyon ang gahiganteng basura. Sa kasaysayan, ang mga bayan sa ibang lalawigan ng tumanggap ng basura ay umunlad dahil sa marami rin ang dalang pag-unlad tulad ng paglaki ng pondo ng mga munisipyo tulad ng nangyayari sa Rodriguez Rizal na dating Montalban, yumaman ang bayan at pinag-aagawan ngayon ng munisipyo at ng probinsiya ang operasyon ng basura dahil sa laki ng buwis na nanggagaling sa paghahakot ng basura. Isa pa marami ang nagkaroon ng hanapbuhay at naipasaayos ang mga pangunahing daan.

Well, sa akin ay suggestion lang kasi kung hindi ito masusulusyunan maaaring magdulut ito ng lalo pang malaking suliranin sa kapaligiran, sa kalusugan na magdudulot ng lalong kahirapan sa buhay.

Ang tanong, solusyon sa basura, ginagawa na ba?

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o tumawag sa 09063900920

No comments:

Post a Comment