Sunday, March 21, 2010

Kandidatong “kapalmuks”

Bago pa magsimula ang opisyal na panahon ng kampanya sa Marso 26 para sa local na eleksyon, nakita na natin na ang halos lahat ng mga kandidato ay lumalabag na sa batas ng halalan. Maliwanag pa sa sikat ng araw ang kanilang lantarang paglalagay ng campaign materials sa kahabaan ng lansangan, sa mga bayan, saan mang dako ng lalawigan. Sila ang mga kandidatong “kapalmuks” as in makapal ang mukha.

Pero alam nila at malinaw sa kanila na may batas ang halalan na dapat nilang isaalang-alang. Subalit mabibilang mo sa iyong daliri ang mga kandidatong tumatalima sa mga batas na tila bulaklak lang ng dila ng mga tauhan ng Commission on Election na pinagkikibit balikat ng mga iresponsableng kandidato ng halalan.

Ang totoo makakapal ang mukha ng mga kandidato na lantarang sinasalaula ang kagandahan at kalinisan ng lansangan pati ng batas ng halalan. Sila ba ang mga kandadatong nanaisin nating ihalal at manungkulan sa bayan?

Ang sabi ng Comelec kailangan ay two by three feet lang ang campaign poster, pero sumunod ba ang ilang pulitikong matitigas ang ulo. Hindi! Kundi gumawa sila ng sariling kanilang batas, gumawa sila ng mga higanteng posters sa hangaring makapukaw ng pansin. Ibig sabihin ang mga kandidatong ito ay kulang na kulang sa pansin. Kawawa naman sila.

Kawawa din ang mga puno sa halalan. Para silang ipinapako sa krus ng mahal na araw. Kung makakapagsalita lang ang mga puno, katakot-takot na mura ang mahihita ng mga kandidato na nagpapako ng campaign materials sa mismong katawan ng puno. Eh, kung sa noo ng kandidato ipako ang poster niya, hindi kaya siya mag-aalsa? May buhay din ang puno. Igalang natin sila at pangalagaan, huwag natin silang parurusahan dahil gusto mo lang maging popular sa halalan.

Dahil sa hindi pa nagsisimula ang halalan, walang nakalagay na salitang “Vote” o “Iboto” sa mga campaign matrials pero sa likod ng kanilang mga ngiti, tila sila ay nagmamakaawa na ihalal ng taong bayan.

Dahil sa walang nakalagay na “IBoto”, hindi rin sila makasuhan ng Comelec na tila bulag at walang bayag.

Bakit kamo wala kasi silang ginagawang hakbang kahit “sample” lang na kanilang kinasuhan at pinarusahan ng “disqualification” bunga ng kanilang maagang pangangampanya.

Armado ang Comelec ng mga kaukulang batas pero tila yata nakatali ang kamay at nakapiring ang mata dahil sa hindi nila maaksyunan at makita ang hayagang pagbaboy sa mga batas ng halalan.

Pero, Aling Iska, baka naman kung maging mahigpit sila at nagsampa ng kaukulang kaso, baka wala ng matirang kandidato at magkaroon tuloy ng failure of election dahil wala ng kandidato. Bakit naman? Tila kasi walang papasa sa batas ng halalan.

Eh, ano ngayon kung wala ng kandidato, importante, naipatupad ng buong higpit ang batas at para wala ng lalabag pa sa susunod na halalan. Mahirap iyan. Imposible iyan sa panahon sa ating sistema. Pero may punto ka, Aling Iska.

Paano naman mangyayari iyan kung takot na tinagin ng Comelec ang mga pulitikong minsan ay pinagkautangan nila ng loob na iwas nilang sagasaan.

Kung gayon, hindi na titino ang sistema ng halalan. Pero kung takot talaga ang mga opisyal ng Comelec na ipatupad ang batas, ang dapat nilang gawin ay magresign na lang dahil nagmumukha silang walang kakuwenta-kuwenta. Anti lamong putong alang mayumo.

Kung may puna lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o tumawags a 09063900920

No comments:

Post a Comment