Wednesday, February 10, 2010

Kaiingat kayo mga kabataan!

Totoo ang kasabihang ang Kabataan ang pag-asa ng bayan. Hindi ito mapasusubalian ninoman.

Subalit kung minsan at kadalasan ang mga kabataan din ang nagiging sanhi ng kabiguan ng mga magulang, ng pagkalat ng ipinagbabawal na gamot, ng karahasan, ng maagang pamumulitika at kung minsan ay nagagamit sa pagsusulong ng makasariling interest pampulitika ng mga pulitiko –trapo man o hindi.

Hindi po natin kinukuwestiyon ang kalayaan ng mga kabataan sa pagpili ng mga bagay na gusto nilang gawin o mangyari sa kanilang buhay. Sila ay malaya at may karapatan sa ilalim ng ating umiiral na batas.

Subalit ito ang payo ni Aling Iska, magpakatalino tayo sa pagpili ng mga sinasamahang barkada, fraternity o asosasyon o pinaniniwalang tao sa lipunan o maging sa mundo ng pulitika.

Maaaring may mga taong maamo, mukhang santo, mukhang hindi makabasag pinggan, mahusay magsalita, mukhang nagpapakababa, mukhang gagawa ng tama at mukhang sila na ang pag-asa ng bayan. Kaiingat kayo sa mga taong ito.

May mga taong masasalubong ka na abot sa kilay ang ngiti, may mga taong sa tingin pa lang ay may sustansiya na. May mga taong nagdadamit ng tupa, pero sila pala ay sugo ng kasinungalingan, sugo ng katigasan ng loob, masamang halimbawa, hindi dapat tularan.

Muli, kaiingat tayo mga kabataan. Lagi nating tatandaan na kapagka ang isang pinuno ang pinagmumulan ng pagkakabaha-bahagi, pagkakawatak-watak at kawalang pagkakaisa, sila ay hindi sugo ng Kaitaasan. Sila ay mga sugong mahilig sa diskusyon, sugo ng kaguluhan at hindi ng inaasam nating pag-unlad at kapayapaan.

Kaiingat kayo sa mga taong nangangako ng mabuting pangangasiwa subalit isinisinsay ito ng kanilang kaisipan at mga paggawa.

Kaya nga Aling Iska, ang mga kabataan ay dapat na mapagmasid. Huwag tayong magpapagamit sa kung sinong may makasariling interes. Lagi nating isasaisip kung ano ba ng makakabuti at tama para sa kabutihan ng lahat at hindi ng iilan na ang tanging layunin ay ipilit ang pansariling kanila na sa palagay nila ay tama kahit hindi na makakabuti sa iba.

May mga kabataan ngayon na umiikot sa lalawigan, nagpapakilalang sila ay samahang apolitical o samahang ang hangad ay magkaroon ng malinis at tapat na halalan at hindi kakampi ng anomang organisasyong pampulitika.

Napakaganda ng kanilang layunin kung babasahin mo ang kanilang palasumpaan at talaga namang mukhang apolitical – ibig sabihin politically neutral at walang kinakampihang kandidato.

Sa palagay mo Aling Iska, sa halalan, hindi kaya nila kakampihan si Governor Eddie Panlilio samantalang siya ang manlilikha nila at nagbibigay ng lahat ng resources maging ng pondo para isulong ang kanilang mga proyekto sa ilalim ng non-office items ng panukalang Provincial Executive Budget para sa taong 2010. Ang kanilang budget na isinusulong ni Panlilio sa Sangguniang Panlalawigan ay P3.3-million.

Sa palagay mo Aling Iska, magsisimula kaya ang kanilang proyektong “Pulayi para king Panyulung, Fun Run 2010 sa buong probinsiya kung wala silang pondong galing sa kanilang manlilikha na si Panlilio.

Wala namang masama riyan, tama iyan. Kung pinaniniwalaan niyo si Among Ed, “go ahead.” Pero huwag ninyong sasabihing hindi kayo partisan. Aminin ninyo na kayo ay mga sugo ni Panlilio na isa na ngayong pulitiko. Iyan po ay inyong karapatan kahit malaman ng lahat ng Kapampangan. Importante iyan ang gusto ninyo at hindi kayo nanloloko na magsasabing kayo ay non-partisan pero ang totoo isinusulong ninyo ang adbokasiya ng isang kandidato.

Eh, ano ngayon kung gusto ninyo si Panlilio. Importante, kayo ay nagpapakatotoo.

Kaiingat kayo mga kabataan!

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com

No comments:

Post a Comment