Wednesday, February 11, 2009

Mga hospital sa Pampanga: pagamutan o bilangguan?

Napakahapdi pala kung ang iyong mahal sa buhay ay nasa Intensive Care Unit ng hospital bunga ng isang malubhang karamdaman. Sa labas ng ICU ay kumakabog ang iyong dibdib, nag-alalala at naghihintay kung ano ba ang sasabihin ng nurse at doctor.

Isa pang nakapagdaragdag ng kaba ay kung makikita mo ang hindi maipaliwanag na lungkot sa mukha ng mga pamilya ng ibang pasyente, na hindi makalabas ng ospital sanhi ng kawalang sapat na halagang pambayad sa Hospital.


Noong unang gabi ng aking ama sa pagamutan, samantalang siya’y nasa emergency room, nakita ko ang aking mga kababayan sa Candaba, may kasamang mga opisyales ng barangay, maging si Board Member Ricardo Yabut ay naroon.


Anong ginagawa ni BM Yabut sa hospital? Gagarantiya sa promissory note ng yumaong pasyente. Kasi nga iyong isang pasyenteng sampung oras ng patay ay hindi mailabas ng ospital dahil sa may naiwang utang na P187,000.00. Ang pamilya ng yumao ay nasaid na rin sa gastos kaya ang yumao ay nanatiling hostage muna ng pagamutan.


Ang patay ay hindi raw puwedeng iburol sa bahay kung hindi makakabayad ng utang. Siyempre, ang pilantropong board member, nagbigay ng cash at ginarantiyahan na magbabayad ng kakulangan ang pamilya palabasin lang sa ospital ang yumaong pasyente. Doon palang lumaya ang yumao.


May mga tao naman na akala mo ay dumadalaw at palakad-lakad sa lobby ng pagamutan, pero sila pala ay matagal ng nakarecover, pero hindi makalaya sa pagamutan dahil sa may utang.


Ibig lang sabihin nito, ang isang mahirap na pasyente ay mistulang bilanggo sa pagamutan kung walang pambayad sa ospital.


Ito pala ay kalakaran na sa lahat ng pribadong pagamutan na nagmimistulang bilangguan sa mga pasyenteng hindi makabayad ng utang.


Ito namang mga doctor, espesyalista daw kung ituring ay hindi makatiyak kung gagaling o hindi ang mga pasyente. Kaya ang resulta, nagkakabaon-baon sa gastos sa kuwarto, aparato, doctor’s fee at kung ano-ano pang mga gamut pero kadalasan sa bandang huli, wala rin pala.


Iyan ang aking nasaksihang personal sa ospital na tinutuluyan ng aking ama. Ang masama pa, halos lahat ng lumalabas sa ICU nakasama ni tatay ay namamatay. Subalit ang aking ama ay patuloy pa rin ang laban sa buhay. Sa iyo tatang, huwag kang bibitiw, huwag kang bibigay, kaya natin iyan. May awa ang Dakilang Lumikha.


Sa mga nurse, salamat sa inyong pagbabantay. Sa mga doctor, kay Dr. Sy at Kay Dr. Medina, sana po ay dalasan lang ang dalaw kay tatang. Kayo po ang inaasahan namin na kasangkapan ng Poong Maykapal sa kaligtasan ng aking ama.


Pero nagpapasalamat po ako ng marami sa mga taong buong pusong nananalangin para sa madaling paggaling ng aking ama. Salamat po sa inyong pagdalangin.


Kay Nelson Alonzo, kay Kuyang Jerry at Nanay Baby (Lilia Pineda) at kay Orland, driver ni Kuyang Jerry na naghatid sa amin sa hospital, tinatanaw ko na isang utang na loob ang inyong buong puso at bukas palad na pagtulong sa aking amang nasa banig ng karamdaman.


Alam ko at naniniwala ako na ang kapalaran ng aking ama ay nasa kamay na ng ating Dakilang Lumikha. Siya ang nagbibigay buhay at lakas at siya rin ang may kagustuhan kung anoman ang ating kahihinatnan.


Kaya sa mga sandaling ito, sa Kanyang mga kamay ipinagkakatitiwala ko ang buhay at kalakasan ng aking minamahal na tatang. Walang imposible sa Diyos ng Lumikha ng langit at lupa, Siya ang pinakadakilang manggagamot.


Habang nakikipagbaka ang aking ama sa kanyang karamdaman, kung maaari po ay huwag sana kayong magsawa na manalangin para sa kanya.


Aling Iska, alam kong matatag at matibay ang iyong kalooban at naniniwala akong kaya nating lampasan ang mabigat na dagok na ito ng buhay. We will just keep our faith strong and vibrant.


Pagkalipas nito, tiyak na darating ang liwanag na aming pinakahihintay, ang lahat ay dahil sa makapangyarihang magagawa ng Ama para sa kapakanan ng aming sambahayan.


Sa lahat po ng nagtetext at nangungumusta, maraming salamat po sa inyo.

No comments:

Post a Comment