Friday, January 29, 2010

Mag-ingat sa dayong bisita

Ang mga Kapampangan ay kilala sa tama at mabuting pagtanggap ng bisita at marunong makitungo sa mga kasambahay at trabahador sa kanilang mga sakahan at palaisdaan o maging sa kanilang pagawaan kung mayroon.

Iyan po ay isang magandang katangian ng lahing Kapampangan – maaruga at marunong makisama dala na siguro na kanilang ugaling maunawain sa kapwa na nais makapaghanapbuhay at makaahon sa kahirapan.

Subalit, hindi natin maiiwasan na ang Candaba Massacre na nangyari sa payapang bayan ng mga masisipag na Candabeno kahapon ay magsisilbing aral sa bawat isang Kapampangan.

Ang suspect sa masaker na si Rodel Velasco na tubong Samar na namasukan bilang caretaker sa isang palaisdaan na kumitil sa buhay ng tatlong magkakapatid na Labsal at nag-iwan pa ng dalawang batang sugatan ay malugod na tinanggap sa bahay ni Jaime Labsal Sr., ama ng mga biktima.

Sa mga nakaraang araw bago ang masaker, dala ng mabuting pagtanggap ng bisita ng mga suspect ay nakakalabas pasok ang suspect sa bahay hanggang sa naipagtapat nito na siya ay naniningalang pugad sa kanilang kapatid na si Jaramie, kinse anyos.

Subalit dahil sa tapat ngang makisama ang Labsal family ay inihayag nila ang kanilang pagtutol sa tangkang panliligaw ng suspect sa dahilang bata pa si Jaramie at hintayin na lang nitong makarating siya sa hustong taong gulang.

Ayon sa ama ng mga biktima na natirang buhay ay sinang-ayunan naman ito ng suspect. Kaya nga bago nangyari ang masaker ay masayang nag-inuman ang mga biktima kasama ng suspect. Subalit ng maghahating gabi na, tulog na ang mga biktima ay bigla na lamang silang kinatay na parang baboy. Ginilitan sa leeg ng matulis na kutsilyo at pinalakol sa ulo. Ang masaklap pa matapos gahasain si Jaramie na kanyang nililigawan ay walang awa niya itong kinatay.

Sa puntong ito, ay nais kung ipanukala sa ating mga opisyales ng munisipyo at barangay na dapat ay magparehistro sa barangay o sa munisipyo ang sinomang dayo na gustong makipanirahan at magtrabaho sa loob ng barangay. Gawing requirement ng mga may-ari ng palaisdaan ang pagsusumite ng biodata, barangay clearance at maging ng NBI clearance bago tanggapin sa trabaho.

Sa mga pamilya naman, huwag agad tatanggap ng bisitang dayo kung hindi pa malalim ang kanilang pagkakilala. Hindi naman sa nagmamaramot tayo o binabago natin ang ating kaugalian sa mabuting pagtanggap ng bisita, ang sa atin lang ay dapat isipin natin muna ang ating kaligtasan bago ang ating kaugalian.

Mahirap na baka pala iyang taong pinakain mo na, pinainom pa ng alak na “the Bar” ay siya palang matadero ng sarili mong katawan.

Tayo ang isa sa mga unang nakasaksi sa naliligong katawan ng mga biktima na wala ng buhay sa loob ng kanilang katawan. Kaawa-awa ang kalagayan pero magsisi man ang pamilya kung bakit tinanggap nila ang bisitang mamalakol ng tao ay huli na. Sabi nga laging nasa huli ang pagsisisi.

Pero kayo na bumabasa nito ay maaaring makapag-ingat at sundin ang aking payo na siyasating maigi ang bisita, kung sino siya at ano ang background niya? Huwag agad magtitiwala, magduda muna. Kung mabuting tao, tanggapin ng maayos at bilang tao. Kung tarantado at mangangatay ng tao, ireport sa kinauukulan para sa karagdagang imbestigasyon at impormasyon para sa inyong proteksyon

Siya nga pala at large pa ang suspect. Mag-ingat baka siya bumisita.

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com

No comments:

Post a Comment