Friday, January 29, 2010

Bumbero namamasko ngayong Enero

PAMAMASKO o pangongotong? Ito ang tanong ng mga establisyemiento sa bayan ng Sta. Ana sa kanilang mga bumbero na namamasko ngayong Enero.

Batay sa pananaliksik ni Aling Iska, kung walang kaukulang solicitation permit mula sa Regional Office ng DSWD, lahat ng panghihingi ng aginaldo kahit pasko ng kahit anong grupo, gobyerno o pribado ay ilegal.

Kung ito ay gobyerno tulad ng grupo ng mga bumbero sa Sta. Ana ay maaaring silang maharap sa kasong administratibo. Bakit mga tsong wala din ba kayong tinanggap na bonus mula sa gobyerno.

Kung kayo ay may pasobre-sobre pa, anong pagkakaiba ninyo sa mga kapatid nating bumaba pa sa bundok ng Pinatubo para mamalimos at humingi ng aginaldo. Maaaring sila ay maaari pang kaawaan at bigyan ng kaunting limos pero kayo na may suweldo na, may bonus pa, mahiya naman po kayo sa sarili ninyo. Lagi ninyong tatandaan ang inyong sinusumpaan tuwing Flag Ceremony.

Ano iyon Aling Iska? Ako’y Kawani ng Gobyerno. Ano ang sabi roon? “Tungkulin kong maglingkod ng tapat at mahusay.” Ano pa? “Dahil dito, ako'y papasok nang maaga at magtatrabaho ng lampas sa takdang oras kung kinakailangan. Magsisilbi ako nang magalang at mabilis sa lahat ng nangangailangan.“ Ano ang sabi Aling Iska? Magsisilbi ako ng magalang. Eh, bakit iyong bumbero sa Sta. Ana na hindi na nga magalang, maangas pa ang mukha. Sukat ba namang sinumbatan pa ang isang maliit na negosyante ng magpapirma ito ng Fire Inspection Permit na bakit hindi raw siya pinapansin kapag nag-iinspect sila at iyong laman ng sobre ay wala pa.

Ba talagang maangas ang mga bumbero sa Sta. Ana kung gayon. ‚’Indi naman la’at, Aling Iska. O sige ano pa ang nasusulat sa Panunumpa. Eto pa...“Magiging pantay at makatarungan ang pakikitungo ko sa mga lumalapit sa aming tanggapan. Magsasalita ako laban sa katiwalian at pagsasamantala. Hindi ko gagamitin ang aking panunungkulan sa sarili kong kapakanan.“ Sana marinig ito ng mga bumbero sa Sta. Ana. Pero Aling Iska, ano ang lalong mahalaga na matanim sa kokote ng mga bumbero? O sige eto na… “Hindi ako hihingi o tatanggap ng suhol, sisikapin kong madagdagan ang aking talino at kakayahan upang ang antas ng paglilingkod sa bayan ay patuloy na maitaas.“

Sana, mga kapatid nating bumbero, huwag lang ninyong binabasa ang panunumpang ito tuwing Lunes, itanim ninyo sa isip at huwag sa tiyan.

Kasi naman, kasi naman, dahil alam ninyong sa simula ng taon, ay magrerenew ng business at Fire Inspection Permit ang mga establisyemiento. Kaya ano ang ginagawa ng ilan sa inyo. Nagsasamantala. Ginagamit ang panunungkulan sa sariling kapakanan. Iyan Aling Iska ay tahasang paglabag sa kanilang Panunumpa ng Kawani ng Gobyerno.

Kaya kung hindi lang sa maagang pagtugon ni Mayor Rommel Concepcion na kausapin ang mga bumbero at kung hindi lang sa agarang imbestigasyon na ginawa ni Provincial Fire Marshal Arrozal at paghingi ng dispensa ng kanilang Acting Municipal Fire Marshal ay maaaring idulog natin ito sa kaalaman ng National Police Commission at Civil Service Commission na una nating nakausap ukol sa bagay na ito para sa kuukulang kaso ng administratibo. Tulad ng ano? Grave abuse of authority at kasong extortion.

Pero iyan naman ay hindi na natin itutuloy basta totoo lang ang paghingi nila ng dispensa sa mga taong may puso rin namang nasasaktan.

Well, kami naman sa pitak na ito ni Aling Iska, ay may bagbag na puso sa mga taong nagpapakumbaba at nangakong magbabago.

Tuloy-tuloy nawa ang inyong pagbabago. Maaari naman kayong mamasko in the spirit of Christmas pero huwag namang puwersahan mga Tsong.

Sa mga bumbero ng Sta. Ana. Peace be with you! Lagi ninyong tatandaan.”Huwag gumawa ng sunog para mahimbing na makatulog.”

Kung may puna lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com

No comments:

Post a Comment