Wednesday, December 23, 2009

Joel P. Mapiles - Marami Salamat Po!

SA PAGGUNITA ko sa taong ito na lilipas, maraming mga bagay ang sumasagi sa aking puso at isipan. Maraming mga pangyayari ang hindi ko malilimot kailanman. Tulad ng pagpanaw ng pinakamamahal kong magulang- ang aking tatay-ang aking Pangulong Diakuno na lumingap at gumabay sa aming sambahayan sa simple at matuwid na pamumuhay na may iisang adhikaing maglingkod ng tapat sa Panginoong Diyos.

Lumisan man ang aking tatay, iniwan naman niya ang matatag na pananampalataya na aming itataguyod habang kami ay nabubuhay. Marami pong Salamat aking ama. Lagi kaming aasa na tayo ay muling magkikita doon sa langit -ang tunay nating bayan.

Sa taong ito na mabilis na lumilipas, gumimbal din ang labis na kadalamhatian hindi lamang sa aming sambahayan, kundi maging sa kabuuan ng mga kapatid sa loob ng Iglesia Ni Cristo sa buong mundo sa pagpanaw ng pinakamamahal din naming kapatid –ang Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo, si kapatid na Erano G. Manalo.

Kay Ka Erdy, sa puso at sa aming isipan ay hindi namin lilimutin kailanman, ang magandang alaala ng kanyang pagmamahal, ng paglingap, ng paggabay, ng pagtatagumpay, ng pagmamalasakit, ng paglingap, ng matatag na pagkakaisa at ng tapat na pangangaral sa ikapagkakaroon ng matuwid at pinagpapalang sambahayan at higit sa lahat ang tunay na paglilingkod sa Diyos tungo sa pagsalubong sa kaligtasang mabilis na dumarating. Paalam at maraming salamat po mahal naming Ka Erdy!

Subalit sa harap ng mga kalungkutan na aming naranasan sa taong ito, maraming –marami pa ring kagandahang loob at kabutihan ang ibinigay ng Panginoong Diyos sa akin at sa aking sambayahan at maging sa kanyang bayan.

Oh, Diyos na mapagmahal, maraming-maraming salamat po sa tulong at awa, sa buhay at lakas na patuloy na ipinagkakaloob niyo sa amin. Sa panahong nalungkot kami at dinalaw ng malabis na kalungkutan, ikaw oh Ama, ang sa amin ay lumingap, ikaw ang sa amin ay nagbigay ng ibayong pag-asa.

Tandang-tanda ko pa Oh, aking Diyos ang panahong nagkasakit ang aking mga anak, sa Banal Mong Pangalan, sa iyong tahanan ako ay lumuha at sa iyo ay tumawag. Doon ay naranasan ko ang iyong malakas na kapangyarihan, ang pagsagot sa aking panaghoy na nawa ay tulungan ako at pagalingin ang aking anak. Sa pagdilat ng aking mga mata, malakas ang aking loob, ang panalangin ko sa Iyo ay pinakinggan. Ang sakit na dapat sana ay nagdulot ng kagipitan sa aking sambahayan ay naging kasangkapan para kami ay palakasin at kami ay pagpalain. Gumaling ang aking anak, nanumbalik ang kanyang lusog at lakas. Sa simple at karaniwang pamumuhay ay dama namin ang pagpapala at ang Kanyang paglingap.

Payak man ang buhay ng aking mag-anak, sama-sama kami sa kaligayahan at sa kalungkutan dahil ang pinakamahalaga sa amin ay matupad namin an gaming tungkulin –ako bilang Pangulong Diakuno, ang aking maybahay bilang Diakunesa at ang aking tatlong bilang mga mang-aawit sa Iglesia Ni Cristo. Sa lahat ng ito Oh, Diyos na aming Ama. Maraming-maraming salamat po! Mahal na mahal po namin kayo!

Sa pagsalubong sa taong 2010, taglay namin ang ibayong lakas, ang ibayong sigla at katatagan sa pananampalataya at mataas na pagkakilala sa banal Mong Pangalan dahil ang lahat ng pagpapala sa aking pamilya at tagumpay ng Iglesia Ni Cristo ay gawa ng iyong makapangyarihang kamay.

Sa inyong lahat na tumangkilik sa aking panulat, natuwa man kayo o nasaktan, pasensiya na at maraming-maraming salamat po.

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o tumawag sa 09063900920

No comments:

Post a Comment