Thursday, October 15, 2009

3 Rs - Relief, rehabilitasyon at rekonstraksiyon

PAGHUPA ng tubig-baha, kapag ubos na ang bigas, noodles, kape at sardinas, paano na kaya?

Ito ang katanungang bumabagabag sa isipan ng mga nasalanta sa ilang linggong hampas nina Ondoy at Pepeng.

Sa ganitong mga kalamidad, karaniwan na ang pagbibigay ng emergency relief assistance, isang pansamantalang tulong na pantawid-gutom na galing sa pamahalaan at mga pribadong samahan at indibidual na may puso para sa iba, na nabiktima at napinsala.

Pero iyan ay pansamantalang lunas lang sa kumakalam na tiyan, ang tunay na problemang kinakaharap ng ating mga kababayan at maging ng pamahalaan ay ang rehabilitasyon at rekonstraksyon. Kaya 3 Rs ang kailangan – Relief, rehabilitasyon at rekonstraksyon.

Mayroon kayang pera ang mga pamilyang biktima para muling simulan ang kanilang buhay? Mayroon kaya sila gagamitin para muling itayo o kumpunihin man lang ang kanilang nawasak na tahanan? Paano na nga kaya nila sisimulan ang bukas na naghihintay?

Batay sa mga anunsiyo, ipapasa ng kamara at senado ang halagang P12-bilyong piso para sa Calamity Fund ng nasyonal na pamahalaan para muling ibangon ang bansa mga pinsalang dulot ng kalamidad sa pamamagitan ng rehabilitasyon at rekonstraksyon.

Tama rin po ang pagbubuo ng isang Special Commission para sa rehabilitasyon at reconstruction program na pinirmahan ni Pangulong Gloria Arroyo noong isang araw na pamumunuan ni Ginoong Manny Pangilinan, isang matagumpay na Pilipino at Kapampangang mamumuhanan sa ating bansa.

Batay sa ulat, ang commission ay responsable sa paghahanap ng mga donor agencies at grants sa lokal man o maging sa mga international communities.

Huwag nating sabihing kaya na natin, ang sabihin natin ay mas kaya natin kapag ang lahat ay nagtutulungan anuman ang kulay ng balat at rasa ang pinanggalingan.

Tinatayang mahigit sa bilyong piso ang nasira at winasak ng mga bagyong sina Ondoy at Pepeng.

Tiyak na kanya-kanyang diskarte ang mga opisyal ng pamahalaan kung paano nila ipatutupad ang mga programang pangrehabilitasyon at rekonstraksyon sa mga nasirang tulay, gumuhong bundok at nawasak na tulay pati ng iba pang infrastraktura na pag-aari ng pamahalaan tulad ng maga eskwelahan, pagamutan at ibang pampublikong tanggapan at ang mga bumigay ng dam.

Nawa ay muling magbangon ang bansa sa tindi ng mga naging pinsala. Isa sa mga matindi ring tinamaan ay ang sector ng agrikultura. Bilyong piso rin ang nawala sa ating mga magsasaka sa Luzon.

Kaya sa ating mga kababayan at sa pamahalaan, tama po na bigyan ng relief assistance ang mga biktima pero sa kabuuan mas pahalagahan po natin ang rehabilitasyon at rekonstrakyon program para sa pangmatagalang tulong at panghabangbuhay na pagbangon tungo sa kaunlaran

Sa mga nakaraang taon at mga buwan, matagal na pinag-usapan ang climate change at maging ang epekto nito. Pero tila yata hindi napaghandaan ang epekto ng pagkasira ng kalikasan dahil lahat ay nabigla at ang pamahalaan ay ngayon pa lang kumikilos at tila yata hindi naging handa.

Well, at this point Aling Iska, hindi na panahon ng sisihan. Panahon na para magtulungan ang lahat ng mga Pilipino at ipakita ng pamahalaan na sila ay nasa sentro ng laban para pangalagaan ang kalikasan.

Kaya ang climate change ay huwag lang pag-usapan, magpatupad ng mga epektibong programa para kaharapin ang suliranin sa climate change dulot ng global warming.

Lahat ng mga Pilipino ay kailangang magkaroon ng partisipayon sa rehabilitasyon at rekonstraksiyon.

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com

No comments:

Post a Comment