Monday, June 29, 2009

Troma ni Kapitana

NAGNGINGITNGIT sa galit nang magsumbong kay Aling Iska ang isang punong barangay sa Candaba dahil sa di umano ay ipinagkalat ng mga mismong empleyado ng lokal na tanggapan ng kalusugan na silang mag-anak di umano ay positibo sa H1N1 virus.

Ang tanong ng kapitan kay Aling Iska, tama raw bang ipangalandakan sa buong madla na sila ay may nakakahawang sakit na H1N1 samantalang hindi pa naglabas ng resulta ng kanilang swab test ang Department of Health.

Ano ang sagot mo Aling Iska? Ba’t mo ko, tinatanong doctor ba ako? Oo nga ano. Ano raw ba ang kanilang naranasan? Simula daw nang ipagkalat na sila ay mayroong H1N1, wala na raw pumupunta sa Barangay Hall. Walang kumukuha ng barangay clearance, walang nagrereklamo, walang kasong idinudulog sa barangay. Ibig sabihin, puwede na muna niyang isara ang kanyang tanggapan.

Ayon pa sa kapitan, para daw anya silang may ketong na ayaw man lang lapitan ng kahit sinong kabarangay.

Ang pangyayari daw na ito ay isang uri ng overkill na nakapagdulot ng social stigma at troma hindi lamang sa kanya kundi sa buong pamilya.

Ayon pa sa kapitan, sila naman daw aniya ay sumunod sa bilin ng doctor na sila ay magquarantine sa bahay sa loob ng sampung araw.

Eh, ayon naman pala, ibig sabihin excuse siya na huwag munang pumasok sa barangay hall at magpahinga muna sa kanyang bahay. Mauunawaan naman ng kabarangay ang kanilang pinagdaraanan.

Pero ang kanyang punto, hindi naman pa tiyak na sila ay may H1N1 dahil nga ngayon o bukas pa lalabas ang resulta ng swab test.

Pero ano ang payo mo kay Kapitana Aling Iska? Hindi naman sa pinandidirihan sila, nag-iingat lang ang kanyang mga kabarangay. Ang gayong aktuwasyon ng mga tao ay normal, hindi dapat ikairita ni Kapitana. Siya man ang lumagay sa situwasyon ng mga kabarangay, hindi kaya gayun din ang kanyang gagawin? Ang sabi nga sa Ingles, prevention is better than cure. Bawal po ang magkasakit and your kabarangay are just being extra cautious.

Sa ating mga kabarangay sa Candaba, huwag naman sobrahan ang balita, hindi pa po natin tiyak kung iyan man ay H1N1 o hindi. Mas maganda po na damayan natin sila at magpasalamat kayo sa itaas na hindi kayo ang nasa kanilang kalagayan. Ipanalangin po natin ang kanilang agarang paggaling at huwag po nating pagpiestahan.

Ang H1N1 naman kung maaagapan ay para lang yatang ordinaryong trangkaso pero siyempre nakakahawa at dapat pag-ingatan. Pero kung dapat mag-ingat sa H1NI, mas lalong dapat mag-ingat sa dengue, sa cancer, tuberculosis, sa emphysema at sa atake at sa iba pang nakamamatay na sakit.

Ang mahalaga po ay iniingatan natin ang ating kalusugan dahil inuulit po namin, bawal magkasakit kaya lagi po tayong magpapakunsulta sa doctor at huwag tayong magbabakasakali. Ingatan po natin an gating sarili para ingatan po tayo ng Dakilang Lumikha. Tama po ba Aling Iska? O, siyempre, itanong mo man kay Secretary Francisco Duque. Ay lalayo ka pa, kay Dr. Rio Magpantay na lang, nagbabasa siya ngayon. Kung gayon, oki dok ba si Dok? Ok na ok.

Kung may puna lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o tumawag sa 09063900920

No comments:

Post a Comment