Monday, June 29, 2009

Troma ni Kapitana

NAGNGINGITNGIT sa galit nang magsumbong kay Aling Iska ang isang punong barangay sa Candaba dahil sa di umano ay ipinagkalat ng mga mismong empleyado ng lokal na tanggapan ng kalusugan na silang mag-anak di umano ay positibo sa H1N1 virus.

Ang tanong ng kapitan kay Aling Iska, tama raw bang ipangalandakan sa buong madla na sila ay may nakakahawang sakit na H1N1 samantalang hindi pa naglabas ng resulta ng kanilang swab test ang Department of Health.

Ano ang sagot mo Aling Iska? Ba’t mo ko, tinatanong doctor ba ako? Oo nga ano. Ano raw ba ang kanilang naranasan? Simula daw nang ipagkalat na sila ay mayroong H1N1, wala na raw pumupunta sa Barangay Hall. Walang kumukuha ng barangay clearance, walang nagrereklamo, walang kasong idinudulog sa barangay. Ibig sabihin, puwede na muna niyang isara ang kanyang tanggapan.

Ayon pa sa kapitan, para daw anya silang may ketong na ayaw man lang lapitan ng kahit sinong kabarangay.

Ang pangyayari daw na ito ay isang uri ng overkill na nakapagdulot ng social stigma at troma hindi lamang sa kanya kundi sa buong pamilya.

Ayon pa sa kapitan, sila naman daw aniya ay sumunod sa bilin ng doctor na sila ay magquarantine sa bahay sa loob ng sampung araw.

Eh, ayon naman pala, ibig sabihin excuse siya na huwag munang pumasok sa barangay hall at magpahinga muna sa kanyang bahay. Mauunawaan naman ng kabarangay ang kanilang pinagdaraanan.

Pero ang kanyang punto, hindi naman pa tiyak na sila ay may H1N1 dahil nga ngayon o bukas pa lalabas ang resulta ng swab test.

Pero ano ang payo mo kay Kapitana Aling Iska? Hindi naman sa pinandidirihan sila, nag-iingat lang ang kanyang mga kabarangay. Ang gayong aktuwasyon ng mga tao ay normal, hindi dapat ikairita ni Kapitana. Siya man ang lumagay sa situwasyon ng mga kabarangay, hindi kaya gayun din ang kanyang gagawin? Ang sabi nga sa Ingles, prevention is better than cure. Bawal po ang magkasakit and your kabarangay are just being extra cautious.

Sa ating mga kabarangay sa Candaba, huwag naman sobrahan ang balita, hindi pa po natin tiyak kung iyan man ay H1N1 o hindi. Mas maganda po na damayan natin sila at magpasalamat kayo sa itaas na hindi kayo ang nasa kanilang kalagayan. Ipanalangin po natin ang kanilang agarang paggaling at huwag po nating pagpiestahan.

Ang H1N1 naman kung maaagapan ay para lang yatang ordinaryong trangkaso pero siyempre nakakahawa at dapat pag-ingatan. Pero kung dapat mag-ingat sa H1NI, mas lalong dapat mag-ingat sa dengue, sa cancer, tuberculosis, sa emphysema at sa atake at sa iba pang nakamamatay na sakit.

Ang mahalaga po ay iniingatan natin ang ating kalusugan dahil inuulit po namin, bawal magkasakit kaya lagi po tayong magpapakunsulta sa doctor at huwag tayong magbabakasakali. Ingatan po natin an gating sarili para ingatan po tayo ng Dakilang Lumikha. Tama po ba Aling Iska? O, siyempre, itanong mo man kay Secretary Francisco Duque. Ay lalayo ka pa, kay Dr. Rio Magpantay na lang, nagbabasa siya ngayon. Kung gayon, oki dok ba si Dok? Ok na ok.

Kung may puna lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o tumawag sa 09063900920

Wednesday, June 24, 2009

Hospital nataranta sa palipas na drug testing kit

NATATARANTA, nagkukumahog at nagmamadali ang pamunuan ng Diosdado Macapagal Memorial Hospital na ubusin sa lalong madaling panahon ang mga drug testing kits na nabili noon pang Nobyembre 2007.

Pusang gala Aling Iska, bakit naman tarantang-taranta si Dr. Romulo Lacson, chief of hospital ng Diosdado? Eh, bakit hindi siya matataranta, nakita mo naman, na expired lang ang noodles, nabawasan lang ng sustansiya, sinuspinde ng lolo mo si Lucia Gutierrez.

Tapos, bigla nating ikinanta ang expired milk, taranta si Governor Eddie Panlilio. Sukat ba namang sabihin mo kay Vice Governor Yeng Guiao na napapanis na ang gatas sa stockroom ng Provincial Nutrition Committee. Kaya, ayun, huli sa akto, walang kawala, nabuko ang mga expired na gatas at iba pang pagkain. Pinagpiestahan ng mga daga at ipis sa isang sulok ng PEO compound.

Nagmamalinis pa sila na kesyo ayaw nila na may nasasayang na pagkaing pambata, pero eto naging sampal sa kanilang mukha na matuklasan sa kanilang pag-iingat ang mga expired ding gatas. Tama po ba Atty. Vivian Dabu? Huwag mong sabihing hindi mo napangangasiwaan ang mga bodega ng kapitolyo at hindi niyo alam na panis na ang style niyo? Good governance kuno. Tigilan niyo nga si Aling Iska sa mga pautot ninyo. Kayo po ba Atty. Dabu, mapapakain niyo po ba sa mga bata ang panis ng gatas?

Eto, naman batay sa ating imbestigasyon at pagkausap kay Roperlee, sinasabi nito na noong Nobyembre 2007, sa halagang P41.50 bawa isa, nakabili ang kapitolyo sa utos di umano ni Atty Dabu ng 2,000 drug testing kits.

Wala akong nakikitang masama sa pagbili ng drug testing kits kung talagang kailangang gamitin at isa pa napakamura. Pero ang pinaghihimutok ng butsi ng mga empleyado ng Diosdado Macapagal Memorial Hospital ay ginawang sapilitan ang pagpapadrug test sa mga empleyado ng hospital. Ang masakit pa, pinababayad ng P150 kada isa samantalang P41.50 lang ang isa. Laki ng tubo ano? Pero napaka-unfair naman daw? Bakit kasi sa kanila raw ay may bayad samantalang sa mga manggagawa ng Balas ay libre.

Uuy! Unfair nga naman, pare-parehas lang silang suwelduhan ng kapitolyo pero tila yata may tinitingnan at may tinititigan.

Isa pang punto, Aling Iska, bakit naman mandatory? Pagkamandatory, ano ibig sabihin? Sa ayaw mo at sa gusto, magpadrug test ka. Kahit labag sa iyong kagustuhan? Oo, mandatory nga. Ayy! Kailangan iyang itanong sa korte kung iyan ay labag sa karapatang pantao.

At isa pa kung sapilitan at itinakda kung kalian ang drug test, maaaring dayain ang resulta. Sila pa, eh doctor nga sila, nadudoktor ang resulta. Puwede siguro kung ang proseso ay random test at hindi mandatory.

Sa palagay mo Aling Iska, are they really serious in their campaign against drug addiction? Kung talagang serioso sila, di dapat noon pang 2008 nagamit na ang mga drug testing kits. Hindi sila serioso brod. Kaya nila ginawang mandatory dahil sa mag-eexpire na sa September hanggang October ang mga naturang kit.

Aling Iska, hindi kaya gustong gawing saving grace ni Dr. Lacson, ni Atty. Dabu at ni Panlilio ang mandatory drug test para maubos na malapit ng mag-expired na drug testing kit. Napakasakit Kuya Eddie, na ang inyong kapabayaan ay magresulta ng paglabag sa karapatan pantao ng mga empleyado sa hospital at sa kapitolyo.

Governor, ikaw kaya, kailan mag-eexpire? What a question, Aling Iska? Brod. It’s just a question that says “bawal ang pikon”.

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o tumawag sa 09063900920

Monday, June 22, 2009

Guiao-Delta gubernatorial talk

Tiyak na ng karamihan sa mga Pampanga mayors ang kanilang manok sa pagkagobernador sa susunod na halalan sa 2010. Tumbukin mo na Aling Iska, sino raw ang kanilang gobernador? O sige, si Lubao Mayor Dennis Pineda, ang pangulo ng kanilang liga.

Oooppss! Eh ano ang isyu roon siyempre kung kayang maging presidente ni Delta ng mga Pampanga mayors, kaya rin niyang maging gobernador ng Pampanga. Di po ba? Sagot!

Hindi iyan ang isyu? Eh alin ang isyu, Aling Iska? Alam naman ng lahat na matatag ang alyansa political sa pagitan ng mga Pineda, ng mga mayors at ni Vice Governor Joseller “Yeng” Guiao. Hindi matatawaran ang kanilang ipinakitang samahan.

Si Yeng Guiao ang naging boses ng mga kapampangan at mga alklade sa paglaban sa mga katiwalian at mga pagkakamali sa panahon pa ng mga Lapid sa kapitolyo at maging sa kasalukuyang pangangasiwa ni Panlilio. Si Guiao ang nangunguna sa pagpuna sa mga kapalpakan ni Panlilio sa pangangasiwa.

Kumbaga, bukod kay Delta, hinog na hinog na rin si Guiao at kabisado na niya ang bawat galaw at pamamalakad sa Kapitolyo.

Sa huling pag-uusap nila ni Aling Iska, tinuran ni Yeng na may bayag siya at tatag ng loob para magdesisyon ng mga bagay tungkol sa kanyang magiging kapalaran sa pulitika.

Eh, ano ba ang tanong mo sa kanya Aling Iska? Itinanong ko kung tatakbo siya sa pagkagobernador? Isang malutong na “Oo” ang sagot niya. At!! Ano pa? Inihayag niya na ‘kaya niyang magdesisyon para sa kanyang sarili’. Kung gayon, Aling Iska, ano ang masasabi mo? Lalaking-lalaki si Yeng Guiao. That’s my boy!

Pero sa kasalukuyan kung paanong bukas pa rin ang komunikasyon sa pagitan nila ni Delta, si Yeng man ay open pa rin sa konsultasyon. Pero kailangang maganap na ang gentlemen’s talk sa kanilang pagitan dahil ang halalan ay nasa mga pintuang daan na, nagmamadaling mainam.

Tatlo lang ang maaaring mangyari, magpasiya sila na magkasama pa rin hanggang sa huli. Maaaring si Guiao ay pumayag sa inaalok na kandidatura sa pagkacongressman ng isang partylist o maging manok sa unang distrito ng Pampanga bilang kinatawan.

Eto naman ang isa. Maaaring si Delta ay pumayag na maging bise gobernador ni Guiao at pumayagpag sa tambalang Guiao-Pineda 2010 o maaaring Pineda-Guiao 2010.

Pangatlo, maaaring maglaban ang dalawa sa pagkagobernador at magkaroon ng gentlemen’s agreement na “may the best man win” at mag-friends pa rin.

Kung magkagayon, si Delta ay aasa sa kanilang makinarya at sa magagawa ng karamihan sa mga mayors.

Si Guiao ay aasa na mapupunta sa kaniya ang suporta ng civil society groups na tumiwalag kay Panlilio at naniniwala sa kanyang matagal ng ipinaglaban ukol sa mabuting pangangasiwa sa Pampanga. At siyempre, may mayors din na tiwala sa kanya.

Pero sa obserbasyon ni Aling Iska, lalong mas maganda ang laban kung silang dalawa ay magkasangga hanggang sa huli.

Maaaring hinihintay ng ibang pulitiko ang resulta ng konsultasyon at maging basehan nila sa kanilang estratehiya para manalo sa kanilang ambisyong maging gobernador tulad nina dating Congressman Rimpy Bondoc at kasalukuyang Gobernador Eddie Panlilio at dating Gobernador at ngayon ay Senador Lito Lapid.

Kaya mainam sa dalawa na magresulta sa isang win-win situation ang anumang kanilang maging desisyon. Magkalaban ba in a friendly fight o magkasangga, buddy-buddy kumbaga.

Well, iyang ang political analysis. Analyst ka na pa la Aling Iska? Loko, emu pamalita!

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o magtext sa 09063900920

Thursday, June 18, 2009

Gatas ni Panlilio, nangulapo?

Marami ang nainis dahil sa may mga taong nagmamalinis. Kunwa’y galit na galit dahil sa ang apektado sa expired noodles ay mga bata.

Ngayon kaya sa expose’ ni Aling Iska ukol sa expired milk na pumutok mula noong Lunes hanggang ngayon, na pinagg-usapan sa telebisyon, sa radio at diario na siyang paksa naman ngayong ng imbestigasyon sa Sangguniang Panlalawigan, sino ang may sala? Sino ang kawawa? At sino ang katawa-tawa?

Una, walang dapat sisihin sina Governor Eddie Panlilio at Atty. Vivian Dabu, umaarteng administrador ng probinsiya kundi ang kanilang walang direksyon at sistemang pamamalakad sa pamahalaang panlalawigan.

Kung totoo ang ipinagyayabang ni Panlilio na good governance, bakit inipis at dinaga ang mga pagkaing pambata ng Governor Eddie Panlilio at Atty. Vivian Dabu, na tila basurang itinambak sa bodega. Ang mga gatas at pagkaing pambata ay ipinakain rin hindi lang sa ipis kundi sa kulapo kaya nga na-expired ang gatas ni Panlilio, ni Dabu at ni Butiu.

Ito ay isang sampal sa kakayahan ni Panlilio na pangasiwaan ang Kapitolyo. Madalas siyang maglakwatsa sa kapuluan ng Pilipinas pero nakalimutan niyang alamin at pasyalan man lang paminsan-minsan ang mga pasilidad at bodega para alamin kung ano pa ang kulang at maaksaya at mangulapo.

Kapag sinabing expired, ano ang ibig sabihin, Aling Iska? Simple lang tol, sa babae, ali ne magmens, sa lalake, ali ne sisiyas. Eh ang natagpuang expired na gatas nina Panlilio, Dabu at Butiu? Aro, diyusmiyo, Totoy Bato, ang malagkit na gatas nila’y nangulapo, napanis resulta ng kapabayaan at kawalang tiyak na programa para sa kalusugan ng mga kabataang kapampangan.

Katawa-tawa, dahil sila ay nagmistulang kengkoy sa karnabal na kunway totoo pero isinisinsay ng kanilang pabayang panunungkulan.

Kung sino-sino ang sinisisi ng gobernador. Gusto pa niyang idawit si Luchie at muling sisihin sa expired noodles.

Gob, kapagka itinuro mo ang iyong hintuturo sa iba, ang apat na daliri mo ay nakaturo naman sa iyong malasantong bulik na pagmumukha. Ang dapat sisihin ay ang kawalan at kakulangan ng tamang pamamaraan sa pangangalaga ng mga pagkaing napapanis na dapat sana ay pinakinabangan ng mga kabataang hindi kumakain ng tatlong beses isang araw.

Sinasayang ng administrasyon ni Panlilio ang pera ng kapitolyo na pinambibili ng mga pagkain sana para sa bata pero hinahayaang mag-expired ng Nutrition Committee na nasa ilalim ng pangangasiwa mismo ng opisina ng gobernador at ni Dabu.

Pero, sa lahat ng ito, tila yata gustong mag-ala Ponsio Pilato ng gobernador na naghuhugas ng kamay dahil sa halip na panagutan ang naturang expired milk ay kaniyang isinisisi rin sa suspindidong si Luchie Gutierrez dahil sa expired noodles na ngayon ay nasa hukuman na.

Base sa liham ni Gutierrez kay Panlilio, nagsumite siya ng pagbibitiw bilang officer ng Nutrition Committee noon pang October 22, 2008. Mula noon ay wala ng kapangyarihan si Gutierrez sa anomang aktibidades ng nutrition committee na pinutukan ng expired milk.

The bottom line here is that the Panlilio administration lacks the systematic procedure on disposing perishable and consumable food such as the first in- first out system. King kapampangan, bara-bara. Sa Ingles, reckless. Sa tagalog, tarantado ang administrasyon ni Panlilio. Ba Aling Iska, masamang salita iyan. As I said before, ang tarantado ay tawag sa taong natataranta sa trabaho, kaya nga bara-bara, kaya nga na-e-expired ang gatas ng lolo at lola mo.

Ang expired milk expose natin ay isa lang sa mga papuputukin nating isyu at balita.
Next week may bago na naman. Tungkol sa droga. Droga? Abangan.

Ang pikon ay talo. Ang nasaktan, may dinaramdam!!!

Other related stories:

Monday, June 15, 2009

Expired again

Expired versus expired! Kaso kontra kaso? Yes, dahil ngayon ay June 15, araw ng suweldo. May puputok na panibagong isyu. Expired na ang isyung expired noodles. May bagong expired. Ano iyong isip niyo Aling Iska? Hindi, sharp pa ini. Eh, ano nga ang expired? Sa araw na ito ay may puputok na balitang expired kung hindi pa naitago at naitapon ng lola at lolo mo.

Maghintay lang po kayo. Headline bukas ngayon ang basa sa pitak ni Aling Iska, Una sa Balita.

Base sa ating nakalap na balita, ito raw “expired” ay mas malala dahil maaaring hindi lang expired kundi maaaring spoiled.

Base sa larawan na ating pinagmasdan, nasusulat sa mga kasulatan ang expiration ng mga expired ay April 2009 at May 2009. Ano na pong petsa ngayon Aling Iska? April? No!! May? No!! Hulianin ka na ba Aling Iska?

Bah, hindi sa katunayan, base sa kasaysayan noong June 12, 1898 unang iniwagayway ang watawat ng Pilipinas sa Kawit, Cavite ni General Emilio Aguinaldo. Iyan ba ang expired brod? Matandain ini. Noong Biyernes June 12 nga Holiday, di ba? Kaya iyong mga nagtrabaho ng Biyernes double pay. Ali siguro. Bakit ika atsing Iska, dobol pay ka ba? Hindi, double trouble!

Pero teka muna, June ngayon, kung ang petsa ng sinasabi mo ay April 2009 at May 2009, may expired ngang puputok. Kung baga pala sa TV, headline bukas, kay Aling Iska ngayon ang broadcast.

Abangan. Tiyak matutuwa si Governor Eddie Panlilio, mayroon na naman siyang sususpindihin kung kakayanin ng kanyang powers. I dare you, Aling Iska, hindi niya kaya. Itago mo sa noo.

Bagaman masarap pag-usapan ang mga kuwentong karnabal sa Kapitolyo, nakakainis din kasi ang nakasalalay dito ay ang mabuting pangangasiwa at ang kapakanan ng higit na nakararaming Kapampangan. Pero kapansin-pansin sa mga Kapampangan, lagi silang nag-aabang ng bagong isyu at kontrobersiya kaya naman hindi sila binibigo ni Governor Panlilio, maya’t maya ay nag-iisip ang kanyang mga propagandista ng mga bagong pakulo para naman hindi siya mapag-iwanan sa kuwentuhan ng mga magfi-fishball sa bayan.

Pero, si Panlilio sa tagal at dami ng kontrobersiya, ang pangalang Panlilio ay palipas na rin sa isip ng marami kaya hindi nakapagtataka kung makakuha siya ng number one sa pagkakulelat sa nakaraang survey ng Pulse Asia, tumataginting na 0.2% ang kanyang marka.

Kapagka napatunayan nating totoo an gating imbestigasyon ukol sa panibagong expired, tiyak sasaboy na naman sa mukha ng gobernador ang mabahong amoy ng kanyang pangangasiwa. Kaya abangan ngayong araw kung ano ba ang binabanggit ni Aling Iskang expired.

Actually, alam na ni brod kung ano ang expired, ayaw lang banggitin pa, baka nga naman sungkitin at alisin at mawala ang ebidensiya, tuloy mawalan ng balita angn paborito mong si Aling Iska.

Basta bukas abangan ang ating kuwentong expired.

Kung may puna at bitin, lumiham sa joeley01@yahoo.com o magtext sa 09063900920

Other stories:

Kababuyan sa Mabalacat tagos sa Magalang

MABAHO, amoy kemikal. Ito ang paglalarawan ngayon ng mga pobre at maliliit na mangingisda sa tae ng baboy na dumadaloy sa Quitangil Creek na bumabagtas mula sa barangay Sapang Biyabas, Sapang Camachiles sa bayan ng Mabalacat patungo sa Sta. Lucia, San Pedro 2, San Miguel, San Agustin hanggang sa barangay Turu, Magalang sa likod ng Bundok Arayat.

Kaawa-awa ang kalagayan ng mga residente rito na nakapaligid sa kahabaan ng Quitangil. Nagtitiis ng hirap, nagkakasakit at halos mamatay sa baho ang mga tao sa Magalang.

Nakapagtataka rin naman na sa ilang panahon ang Magalang ay itinuring na pinakamalinis na barangay samantalang ang kanilang sapa ay dinadaluyan ng mabaho at bulto-bultong tae ng baboy.

Ayon sa mga residente na ayaw magpabanggit ng pangalan, tuwing araw ng Linggo ay nagluluwal ng mabahong dumi ng baboy ang mga piggery na pag-aari raw ng mga maimpluensiya at untouchables sa Mabalacat at Magalang.

Sa eksklusibong panayam ni Aling Iska, sinasabing libo-libong binhi ng isda ang namamatay sa Quitangil dahil sa tindi ng baho at amoy kemikal na tubig.

Aling Iska, sa iyong palagay bukod sa mga baboy, ano pa kaya ang pinagkakaabalahan sa loob ng mga babuyan? Bakit mo naitanong brod? Kasi ang sabi ng mga nakakaamoy, parang amoy kemikal ang dumi ng baboy. Aro, diyosmiyo, kagalang ating lang gagawan keng kilub a illegal a panulu?

Hindi natin alam iyan. Kasi ang mga residente na aming pinagtanungan, kahit pangalan lang ng mga piggery ay walang nakakaalam.

Well, kailangan sigurong magkaroon ng malalimang imbestigasyon sa bagay na ito. Bakit kamo Aling Iska? Kasi naman kung hindi natin ibinulgar sa pahayagang ito ang naturang problema ay tila yata walang nakakaalam at walang gustong kumilos para resolbahahin ang buntong problema ay hindi lang kalabaw, hindi lang isda ang mamatay, maaaring puminsala ito sa buhay at pamumuhay ng mga pobreng mamamayan ng Magalang.

Pero isang nakapanlulumong katotohanan na sa kabila ng kabi-kabilang reklamo, tila yata pipi at bingi ang mga lokal na pamahalaan particular ang mga barangay opisyal sa bahong ito ng mga kababuyan sa Mabalacat at Magalang.

Ayon sa ating napagtanungan, buong tapang nilang isiniwalat ng may mga kapitan ang tumatanggap ng salapi sa mga may-ari ng mga babuyan. Ang mga limpak-limpak na pera ay nagsilbi anilang piring sa kanilang mga mata at nagsilbing ring tutuli sa kanilang mga tainga.

Kung ito ay man ay totoo, ang korapsiyon ay dumaloy na maging sa pinakamaliit nay unit ng pamahalaan – ang barangay na dapat sana’y unang nakikilaban para sa kapakanan at kalusugan ng kaniyang mamamayan.

Kaya Aling Iska, anong masasabi mo sa pangakong imbestigasyon ni Mayor Boking at Pecson?

Ito lang iyan, brod,hinahamon natin sila na tutukan ang problemang ito. Ipakita nila sa publikong kanilang pinaglilingkuran na serioso sila na ipagtanggol ang kapakanan na mga naaapi at nahihirapan.

Madaling sabihin ang imbestigasyon, pero mahirap gawin kung ang mga opisyal ay mahilig sa korapsyon at under the table.

Naniniwala tayo sa integridad ng mga nakaupo nating opisyal pero subukan natin kung sila ay magpapakatotoo sa isyu ng kababuyan sa Mabalacat at Magalang.

Sa DENR-Environment Managament Bureau ang pangunahing ahensiya na dapat tumutok sa isyung ito ay tila yata natutulog sa kangkungan. Hoy gising! Aling Iska, mahirap gisingin ang nagtutulugtulugan. Bakit kaya? Involve kaya sila sa under the table? Patunayan po ninyo na malinis at hindi mabaho ang inyong konsensiya. Magtrabaho po kayo at tutukan ang naghihingalong Quitangil Creek.

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o magtext sa 09063900920.


Other stories:

>

Daang palpak tiyak lubak-lubak

BIKWAL-BIKWAL, lubak-lubak, sira-sira. Ang iyong mukha? No, not me. Iyan po Aling Iska ang simple at nakakairitang larawan ng mga daan diyan sa may Sta. Lucia, Sta. Ana at sa kahabaan ng GSO road mula Magliman San Fernando hanggang sa Betis, Guagua.

Kaya ang mga pobreng commuters, Aling Iska, kundi pinapawisan ang singit ay nagkakamot ng sama ng loob habang nasaloob ng sasakyan. Bakit naman? Dahil sa ganitong pangit na kalagayan ng mga daan pinagkakitaan ay walang macho at sexing katawan ang hindi matatagtag sa lubak lubak na daan. Oh, totoo.

Pusang gala, Aling Iska, sa Sta. Ana papuntang Candaba at sa Magliman to Betis ng GSO road kung magdaraan ka, ‘ay nuko, atsi kung gagatal, nung subukan mung dumalan, anti kang mong miras king bulan.

Eh, sino ba ang nag-aayos ng ating mga daan? Siyempre ang mga respetadong empleyado ng Department of ano? Public works. Ano pa? Highway.

Kanina ka pa Aling Iska. Hindi mo ba alam na habang binabanggit mo ang daan, nasasaktan ang mga kaibigan natin sa DPWH?

Bakit naman? Eh, maganda nga para sa kanila ay lubak-lubak ang mga daan. Kapag maayos ang mga daan, maayos ang trabaho ng DPWH, eh, ano pa gagawin nila taon-taon? Alam mo Aling Iska, sa daang palpak at lubak-lubak, tiyak may salaping limpak-limpak. Oo, nga ano? Sa puntong ito, sabihin nating hindi lang inihinyero kundi henyo ang mga friends natin sa DPWH.

Kaya nga binansagan ni Secretary Hermogenes Ebdane ang Pulse Asia Survey na nagsabing number one ang DPWH sa most corrupt na ahensiya ng gobyerno na False Asia. Oh, yes. Mukha yatang tama ang False este ang Pulse Asia Survey.

Ika naman brod, sinasurvey pa ba iyan? Hindi ba’t iyan ay madaling malaman sa mga lubak-lubak na daan?

Pero Aling Iska, very reasonable po naman ang kanilang ikinakatwiran. Alam mo bang isinisisi sa malakas na ulan ang pagkasira ng mga daang ginugulan ng milyong-milyong piso ng pamahalaan?

Hands up na tayo diyan, dahil sino ang kokontra sa gawa ng kalikasan. Pero huwag naman sanang ibunton sa kalikasan ang pagiging sub-standard ng iba nating mga daan.

Gayunpaman, may maganda na tayong balita. Batay sa ating panayam kay Engineer Rico Guilas, ang magilas na opisyal ng DPWH, inaayos na sa kasalukuyan particular ng kanilang maintenance unit ang mga lubak-lubak, kanila ng nilagyang ng pasak-pasak na aspalto ang kahabaan ng GSO.

Sa Sta. Lucia, Sta Ana, kasado na raw ang pondong limang milyong piso para aregluhin ang daang ginawang sapa ng contractor. Salamat na lang at may rerouting sa may palayan at palaisdaan sa likod ng Kalinan.

Well, napag-uusapan lang pero masarap pakinggan kung ang mga problema sa daan ay inaayos naman.

Good luck sa DPWH, talagang ganyan, may mga pagpuna, pero lahat ng iyan ay bahagi ng ating hanapbuhay.

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o magtext sa 09063900920

Other stories: