Sunday, September 27, 2009

Usap-usapan sa Pampanga (Part 2)

Kaniaman ing bie! Sarap ng food. Galing ng ambiance sa SM at Clark Pampanga. You feel like in heaven. Lahat ng hinahanap mo, nandoon na, nandian na sa SM Pampanga. Saan ka pa? Dito ka na!

Oo nga Aling Iska, pati nga street children, street mothers, street fathers at street beggars wala na sa lansangan, nariyan na rin sa SM Pampanga. Ang SM Aling Iska ay talaga naman palang pambuong pamilya at pang all walks of life. Maganda talaga sa SM at Clark Pampanga. Saan ka pa? Dito ka na!

Siyempre naman, ang init sa lansangan. Kaya ang mga pobreng namamalimos sa lansangan ay nagbago na ng rota. Sila ngayon ay nasa malamig, masarap na SM Pampanga.

Ibig mong sabihin Aling Iska nabiktima ka na sa loob ng SM ng mga mamamalimos. Alam mo, atin atin lang, Aling Iska. Kawawa naman sila. Hinahayaan sila ng SM na mamayagpag sa loob ng SM , sa loob ng mga department stores, sa loob ng mga food chain at sa loob ng mga restaurants.
Wala bang mall security? Ano ka? Ang dami nila. Ano ginagawa? Ba ewan ko, itanong mo sa kanila.

Eto ang eksena sa SM Pampanga. Kumakain ako sa isang kilalang restaurant. Siyempre, kasi naman gusto kong papakin to the max ang masarap na inihaw na manok. Pasosyal effect, siyempre, tumayo ako at naghugas ng kamay.

Sukat ba namang sinunggaban ng mga batang lansangan este batang SM na tila kumakalam ang sikmura ang inihaw na manok. Anong ginawa mo? Naawa ako Aling Iska at naalalang kasising idad lang sila ng mga anak ko, kaya ayun, hinayaan ko nalang.

Kaya sa SM Pampanga, masarap talaga. May mga kadalagahan din na nagtitinda ng mga kakanin, kunway mga self-supporting students. Style nila magbibigay ng kapirasong ID, kasunod pa la noon kailangan mong bumili ng isang supot na kendi.

Siyempre kawawa effect and dating. Sino ba naman ang hindi bibili kung pag-aaral na ang idadahilan. Palagay mo Aling Iska, hindi kaya iyan sindikato o marketing strategy ng mga gumagawa ng produkto.

Bago mo ituloy Aling Iska, Batiin mo naman sina ang napakaganda at mabait na si Roselle Ocampo Sarmiento, public relation officer ng SM Pampanga at ang mabait ding si Engineer Roman Palo, SM manager. Magandang araw po sa inyo.

Pero mas maganda araw at ang SM kung ano? Kung naiiwasan po ang pagpasok ng mga namamalimos, ng mga batang lansangan at mga nagkukunwang estudyante na gumagambala sa mga costumers ng SM.

Payong kapatid, pangit ang magagalit. Sa mga bata, matanda, babae, lalake, bakla at tomboy, sa ilalim po ng mga umiiral na batas bawal po ang mamalimos sa mga lansangan, sa mga malls at kahit saan.

Mga magulang at kapatid, huwag po ninyong abusuhin, palakihin sa pamamalimos ang inyong mga musmos na anak.

Sa mga magulang ng mga batang lansangan, magtrabaho po kayo ng marangal, iunat ninyo ang inyong mga kamay. Kumain po kayo sa pawis ng inyong mukha.

Sa mga kadalagahan kunway mag-aaral, tama po na maging negosyante kayo pero ilagay po ninyo sa lugar. Sabihin niyo ang tototo sa inyong parukyano at magpaalam kayo sa mga nangangasiwa ng mall.

Huwag po ninyong samantalahin ang tila pagpapabaya sa siguridad ng mall at sa kanyang bisinidad.

Sa mall, patuloy nating tatangkilikin ang SM, dahil ito ay makamahirap, makapamilya at pambuong eskwela,. Pero kailangan po ninyong pangalagaan ang kanilang kapakanan ng mga mallers at customers habang sila ay nasa loob ng masarap at malamig na SM Pampanga.

Chika… chika.. Binabati ko rin si Venus Manalang, ang mabait ding PR ng SM Clark.

Marami pang usapan sa Pampanga, isa-isang hihimaymayin ng inyong paboritong si Aling Iska, una at diretso sa balita. Walang kinikilingan, sa totoo lang. Abangan.

Kung may puna, lumagda at lumiham sa joeley01@yahoo.com o tumawag sa 09063900920

Thursday, September 24, 2009

Usap-usapan sa Pampanga (Part 1)

Samut-saring balita, makainis at makatula. Nung pag-umasdan mu, anti mong ala neng pag-asa ing probinsiya kareng manungkulan makalukluk king kasalukuyan.

Bato-bato sa langit, Aling Iska, ang tamaan, may bukol sa kanua. Ang may sugat tiyak na masasaktan.

Well-well, brod simulan natin sa mga ipinagawang daan. Magagara, malalaki. Ang alin? Ang daan? Hindi ang kanilang malasantong pangalan. Tila nagsasabing sa kanilang bulsa nanggaling ang salaping ginamit sa pagpapagawa at hindi sa kaban ng bayan. Juskuday!!!

Pero ang totoo, mas malaki pa ang SOP nila sa actual na halaga ng proyekto. Iyan siguro ang inyong opisyal na gumastos ng todo sa halalan, kaya kung tutuusin bumawi lang ang kumag na halal ng bayan. Kaya ang konkreto o inaspaltong daan, ngayong ang gawa, bukas ang sira.

Pusang gala ka talaga, Aling Iska, ot balu mu ita? Loko, kakung talabasa, balu tangan iyan, etamumu bubulad kabang pipikit tala kunwari deng kekatang mata. As in dedma lang Aling Iska.

Binanggit mo ang SOP, ano ba iyon brod? Standard Operating Procedure. Ba ang galing pala ng meaning? Ito daw Aling Iska ang “standard” na pangungulimbat sa bayan.

Hindi maaaward ang project kung hindi advance ang bigayan. Hindi lang tuso, sigurista pa ang kagalang-galang na halal na opisyal na nagpagawa ng substandard na daan. Mika pera la ken.

Ganyan ba ang opisyal mo? Ganyan ba ang hinihirang sa posisyon ng mga nakatataas sa pamahalaan? Kung ang sagot mo’y oo, iboboto mo ba silang muli? O baka naman nagbabakasakali karing bigyan ng SOP?


**** *** ****

May mayor naman sa ating lalawigan, ang galing magkengkoy-kengkoyan. Balu mu makatula ya pero ing tutu makainis ne uling nekahilig keng casino, ne man sasambut. Guess who?

Sa loob ng ilang taong panunungkulan, mas madalas pa siya sa Casino kaysa pumasyal sa barrio. Ang sama ang alkaldeng ito ay laging talo ng libo-libo, sabi kasi ng driver niya, hindi naman siya marunong maglaro, trip lang niyang magpatalo sa Casino.

Kawawa ang mga barangay sa kaniyang bayan, walang nakakarating na pulis, doctor, ambulansiya at bumbero. Sabihin na natin ang totoo. Walang nakararating na serbisyong totoo kasi nga naman si Mayor laging talo sa casino. Hindi naman niya siguro ipatatalo ang pondo ng munisipyo. Hindi nga kaya? Huwag naman sana Aling Iska.

Kung ganyan ang mayor mo, boss, palitan mo, baka pati ikaw itaya sa casino. Siya si Mayor…. Guess who? Your guess is as good as mine. Ika…. Kilala me rin pala. Yapin ya.


**** *** ****

May opisyal din naman sa Pampanga ang galing mambola, Aling Iska. Magaling din sa paper works. Ang opisyal na ito ay laging kumpleto sa dokumento sa kanyang tila nawawalang proyekto. Documents are brilliantly prepared by his dogs, in short mga aso.

Ghost projects ang hilig para daw iyong kikitain niya ay ipantutulong sa higit na nakararaming kapus-palad. Well-well. Kapag ganito ang opisyal mo, ang bayan ay tiyak na maloloko. Guess who? .

**** *** ****

Dito naman sa atin probinsya, ang hilig kumalkal ng ating mga opisyal ng kontrobersiya. Ang dami ng isyu at kontrobersiya. Sabi nila may mga paglabag sa probinsyon ng batas ang nakaupong pinakamataas. Pero naghabla ba sila? Hinanap ba nila ang hustisya? Oh, pagkatapos maggrand standing, pagkatapos magdadaldal at magpose sa camera at sa media, wala na. Anti lamo waring ‘ningas kugon’ pero kaibat dang apalual ing karelang pali, anti la mo waring balasenas a mepanat.

**** *** ****

Mayroon din namang acting opisyal na over-acting ang dating, nanood lang ng telebisyon, nagbigay na nang mahigit sa kalahating milyong pisong halaga ng donasyon. Saan sa Candaba? Hindi. Sa Guagua? Hindi, Sa Masantol? Hindi. Sa Sta. Ana? Hindi, sa Arayat, Hindi. Sa Pampanga? Hindi. Sa Zambales? Puede, puede. Sa Iba? Hindi. Sa Botolan. Oo, may Botolan ba sa Pampanga?. Atin deng kabalen tang butulan king kasakitan a ali mididinan saup uling ala lang request a pirmado da ring karelang opisyal.

Bakit Aling Iska? Ang Botolan ba kaya nabigyan ay may request sa Pampanga?
Wala naman, eh siguro basic instinct lang sa ateng acting ang pagtulong sa mga nangangailangan sa ibang lalawigan kahit walang pahintulot ng Sanggunian? Masikan ya talaga. Doon na lang kaya siya umakting sa Botolan? Loko, kamuan na kang atse mu kanyan. Iya pa, kaluguran naku nita.

If you are “acting” or “official” or whatever, don’t be “onion skin”, please! Because all things are part of your job and all public officials are subject to public scrutiny.

Pasensiya, napag-uusapan lang, marami pa, abangan.

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o tumawag sa 09063900920.

Wednesday, September 23, 2009

Mayor Boking, Mayor Pecson kumusta na po ang baho sa inyong bayan?

Ang serbisyo publiko ba sa Mabalacat at Magalang ay may kinikilingan at pinapaboran? Bakit mo naitanong iyan brod? Ba, Aling Iska kahapon sa aking pagdalaw sa paborito kong biyenan sa Sta. Lucia at Madapdap Resettlement, narinig ko mismo ang reklamo sa bibig ng mga residente patungko sa kanilang pagkadismaya sa mga lokal na pamahalaan dahil sa masangsang at mabahong amoy ng Quitangil Creek na nagmumula siyempre sa mga dambuhalang piggery.

Sa mga negosyante, maganda po ang negosyo na pagbababoy o piggery kaya lang ayusin po natin ang pagtatapon ng piggery waste at water waste. Marami po ang paraan para malinis ang inyong babuyan at maisaayos and pag-aalis ng tae ng baboy na hindi makapipinsala sa buhay at kalusugan ng mga mamamayan.

Sa balita, ano bang ginawang hakbang ng nina Boking at Pecson? Wala. As in wala pa. Kaya ba mga constituents nila nawawalan ng pag-asa at gana sa kanila. Intriga iyan. Gusto iyan ng kalaban. Si Aling Iska ay walang pakialam sa kanilang kalaban, ang mahalaga ay mapangalagaan ang ating kalikasan.

Diyusmiyo Aling Iska, ikaw man ay dapat mawalan ng gana kay Mayor Boking Morales, Mayor Romulo Pecson? Bakit naman brod? Ang bait kaya nila. As in ang bait nila.

Hindi ba naikuwento mo na sa pitak na ito ang paghihirap ng mga residente sa Magalang bunga ng amoy ng mga kababuyan sa Mabalacat na tumagos sa Magalang.

Oo, Tinawagan mo pa nga si Mayor Boking at Pecson. Oo nga? Ano sabi nila, siyempre papogi sa kanilang pangako, magpapaimbestiga raw kuno? Ano nangyari sa pangako? Eh siyempre, puro pangako, pero tuloy pa rin ang amoy ng mga kababuyan.

Eto pa ang nakakalungkot, nabanggit ng isang residente sa Mabalacat, na paano raw aaksyunan ni Mayor Boking ang mga piggery na nagtatapon ng waste water sa Quitangil creek, eh di umano, di umano, hindi tayo nagpaparatang, ay mga ‘friends’ niya ang mga ito as in “close friends”. Siguro kaya untouchables ang arrive nila ng mga may-ari.

O sige para patunayan na totoo ang reklamo ng mga tao, tuwing araw ng Linggo ay nagluluwal ng mabahong dumi ng baboy ang mga piggery na pag-aari raw ng mga maimpluensiya at untouchables sa Mabalacat at Magalang na sinasabing close sa mga mayors.

Pero nang minsan na makausap natin si Mayor Boking, sabi niya may resulta na raw ang imbestigasyon. Pero wala pang solusyon ang problema sa mabahong amoy na abot sa Magalang dahil sa tumutulo ang katas ng kababuyan sa daluyang ilog ng Quitangil.

Alam niyo mga Mayors okay, ang imbestigasyon pero mas okay kung mayroon ng solusyon ang dinaranas na paghihirap ng mga residente hindi lamang sa Mabalacat pati na rinsa Magalang.

Kay Mayor Pecson, ang masamang amoy ng tae ng baboy na dumadaloy sa Quitangil Creek na bumabagtas mula sa barangay Sapang Biyabas, Sapang Camachiles sa bayan ng Mabalacat patungo sa Sta. Lucia, San Pedro 2, San Miguel, San Agustin hanggang sa barangay Turu, Magalang sa likod ng Bundok Arayat ay isang problemang dapat na masolusyunan dahil kung inyong aamuyin abot ito sa inyong ilong.

Kung hindi aaksyunan ng mga mayors na ito at ng Department of Environment and Natural Resources lala ang problesm, hindi lang kalabaw ang napipinsala, hindi lang isda ang mamatay, maaaring puminsala ito sa buhay at pamumuhay ng mga pobreng mamamayan ng Magalang.

Pero isang nakapanlulumong katotohanan na sa kabila ng kabi-kabilang reklamo, tila yata pipi at bingi sina Mayor Pecson at Boking?

Ito lang iyan, brod,hinahamon natin sila na tutukan ang problemang ito. Ipakita nila sa publikong kanilang pinaglilingkuran na serioso sila na ipagtanggol ang kapakanan na mga naaapi at nahihirapan.

Madaling sabihin ang imbestigasyon, pero mahirap gawin kung ang mga opisyal ay nagbubulagbulagan at nagkukunwaring sira ang pang-amoy sa isyu ng kababuyan.

Ang DENR-Environment Managament Bureau ay tila yata natutulog sa kangkungan. Hoy gising! Aling Iska, mahirap gisingin ang nagtutulugtulugan. Bakit kaya? Involve kaya sila sa under the table? Patunayan po ninyo na malinis at hindi mabaho inyong konsensiya na pangalagaan ang ating mga kailugan at kalikasan.

Sa mga mayors, laging tatandaan, ang pikon mangungunsumisyon.

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o magtext sa 09063900920

Wednesday, September 16, 2009

Noy-Noy Aquino sa 2010?

Malaki ang nagawa ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino para sa pagbabalik ng demokrasya sa bansa, Siya ay isang bayani na nagtaya ng buhay laban sa di umano ay diktaduriang Marcos. Pero hanggang sa ngayon ay wala pang ebidensiya na nag-uugnay kay Marcos sa pagkamatay ni Ninoy.

Gayunpaman, ang pagkamatay ni Ninoy ang nangggising sa kamalayan ng mga Pilipino para magkaisa at isulong ang isang pagbabago sa gobyerno.

Bunga ng matinding simpatiya kay Ninoy ng mga nagising na Pilipino, hinikayat nila ang kanyang maybahay na si Corazon Aquino para hamunin sa isang halalan si yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Dahil sa paratang na nagkaroon ng dayaan sa halalan, tumindig ang mga Pilipino at dito na isinilang ang tinawag nilang People Power or Edsa 1.

Tuluyang napatalsik si Marcos hanggang sa makaupo bilang kauna-unahang babaeng Pangulo si Cory sa ilalim ng isang revolutionary government. Sinimulan ang mga pagbabago sa ilalim na bagong silang na demokratikong bansa. Sa kabila ng kabi-kabilang kudeta o pag-aaklas military, matatag na nakapanatili sa puwesto ay yumaong si Cory Aquino.

Malaki ang naiambag ng mag-asawang Aquino sa pagbabago ng pamahalaan at naiwan nilang legasiya ang anila ay bansang nasa ilalim ng demokrasiya at nagmamahal sa kalayaan at pagbabago.

Pumanaw na sila subalit nananatili sa puso ng mga Pilipino at natatak sa kasaysayan ng ating bansa ang kanilang makulay na buhay.

Pagkamatay ni Cory, marami ang nakisimpatiya, tumatanaw ng utang na loob at nagpapasalamat kay Cory Aquino. Sa puntong ito ng kasaysaysan, sa dami ng mga dumalo sa lamay at sa libing ni Cory, bumangon ang panawagan na patakbuhin si Senator Noy-Noy Aquino sa pagka-pangulo ng bansa sa taong 2010 na totong nasa mga pintuan na o napakalapit na.

Sumunod dito, ay ang pag-atras ni Senator Mar Roxas sa kanyang ambisyong maging Pangulo para pagbigyan ang kagustuhan ng mga maka-Cory at mga miembro ng kanilang partido Liberal na isalang bilang kandidato sa pagkapangulo si Noy-Noy Aquino.

Subalit ang tanong ng nakararami, ang simpatiya ba sa mag-asawang Aquino ay mamana ng kanilang anak na si Noy-noy.

Maaari bang matupad dito ang kasabihan na kung ano ang puno, siya rin ang bunga.

Si Ninoy naging mahusay, matalino at namayagpag na oposisyon laban kay Marcos. Kinilala ng mga Pilipino ang kanyang kakayahan na dapat sana ay pamalit sa di umano ay diktaduriang Marcos. Siya ay matapang at isang bayani.

Si Noy-Noy, siyam na taon sa kongreso, walang naging tunog ang kanyang pangalan. Sinasabing tahimik na mambabatas di tulad ng kanyang ama. Ayon sa isang komentarista mula sa Tarlac – si Noy-noy day ay isang kongresistang walang nagawa sa kanyang distrito.

Magtatatlong taon na siya sa Senado, mayroon na kaya siyang nagawang mahalagang batas para sa kapakanan at ikabubuti ng higit na nakararaming Pilipino?

O si Noy-Noy ay kasama sa silent majority ng Senado? Ano pa man ang sabihin natin, kung ang pagkapangulo ay isang destiny, wala tayong magagawa kung mangyari na si NoyNoy ay ihalal ng mga Pilipino sa pagkapangulo.

Pakiusap lang po natin, na ipakita ni Noy-Noy na kaya niya at hindi siya padadala sa dikta ni Kris o sinumang kumag na nais paandarin ang kanyang ulo sa pagkapangulo.

Saludo po tayo sa mga Aquino, pero ang tanong wala nap o bang iba pa. Hindi ba magaling din at sinsabing mas magaling si Defense Secretary Gilbert Teodoro na tulad ni Noy-Noy ay isa ring Kapampangan.

Sino ba naman ang tutol kung isang kapampangan muli ang uugit ng ating bansa. Subalit hindi lang ang pagiging kapampangan ang ating batayan, higit sa lahat kailangang may higit na kakayahan na patakbuhing maayos at maunlad ang ating bansa. Mahalaga po ang sympathy vote pero higit na mahalaga ang confidence vote para sa isang magiging pangulo ng bansa.

Kung may puna, lumiham at ipadala sa joeley01@yahoo.com o tumawag sa 09063900920

Monday, September 7, 2009

Paalam mahal na Ka Erdy

(Kapatid na Eraño G. Manalo- Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo)

Mga kapatid ay nagdadalamhati
Iglesia ni Cristo ay nasa pighati
Kalumbayan sa puso ay namayani
Bunga ng paglisan,mahal na Ka Erdy

Napakasakit man sa ‘ming kalooban
Paglisan ng pamamahalang huwaran
Subalit, Ama siyang may kagustuhan
Ang Ka Erdy, sa iglesia, nagpaalam

Lumisan man, mahal na pamamahala
Banal na takot, pananampalataya
Sa magagawa ng Dakilang Lumikha
Iniwan sa puso, tinanim sa diwa

Ang Tagapamahalang Pangkalahatan
Mababa ang loob, makapangyarihan
Hawak ng Ama, hindi pinabayaan
Pinatnubayan, pangunguna sa kawan

Ang Iglesia’y patuloy na nagtagumpay
Namalagi ang awa, tulong at gabay
Pagkasi ng Ama ay hindi nawalay
Kay Ka Erdy, ang pamamahalang tunay

Kaanib sa Iglesia Ni Cristo
Nagmamahal kay Ka Eraño Manalo
Ginabayan kami, tapat at totoo
Mamuhay ng isang tunay na Kristiano

Mahal na Ka Erdy, sa iyong paglisan
Mananatili po sa ‘ming sambahayan
Sa puso itatanim, laging tatandaan
Ituturo sa anak na kabataan
Kayo po ay punong tunay na uliran

Ang pagkakaisa at pag-iibigan
Matatag, matibay sa loob ng kawan
Ang pamamahala ay hindi nagkulang
Sila ay nagturo, nangaral sa bayan

Habang buhay, hindi namin lilimutin
Mga aral ng Dios, iyong ibinilin
Magpapatuloy, Ama ay sasambahin
Ang Iglesia ay pakamamahalin

Salamat po sa iyong pamamahala,
Mga kaanib kaming laging aasa
Sa bayang banal tayo ay magkikita
Sa Kaligtasan,‘pinangako ng Ama

Tatanawin namin ang kinabukasan
May pag-asa at ibayong katatagan
Iglesia ay laging papatnubayan
Ni Cristo at Amang makapangyarihan
Hanggang marating, pangakong kaligtasan

Ka Erdy, mahal na mahal namin kayo